11 klasrum sa Sarangani, nilamon ng apoy
- BULGAR
- Oct 8, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | October 8, 2022

Tupok ang mga silid-aralan matapos na sumiklab ang sunog sa isang paaralan sa bayan ng Malapatan, sa Sarangani nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, umabot sa 11 klasrum ang nasunog sa Lun Padidu Central Elementary School sa naturang lugar kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day.
Agad namang rumesponde sa lugar ang mga bumbero mula sa Malapatan at Alabel Fire Stations, at local disaster teams, kung saan itinaas ang sunog sa ikalawang alarma.
Anang pa ng BFP, tumagal ng mahigit isang oras ang sunog bago ito naideklarang fireout. Habang nasa mahigit 400 estudyante ang apektado sa insidente.
Iba’t ibang sektor naman ang nagbayanihan sa pagtulong dahil na rin sa face-to-face classes na ang isinasagawa sa nasabing paaralan.
Binigyan na rin ng 200 upuan at 10 kahon ng bond papers ang paaralan mula sa lokal na gobyerno ng Sarangani.
Patuloy na inaalam ng BFP ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog habang wala namang nasaktan sa insidente.





Comments