100% cashless toll collection, pahirap sa ordinaryong biyahero
- BULGAR
- Aug 25, 2023
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 25, 2023
Aarangkada na sa Setyembre 1 ang “dry run” ng cashless o contactless toll collection sa mga pinangalanang toll plaza ng Toll Regulatory Board (TRB).
Ngayon pa lang, nananawagan na tayo sa Department of Transportation (DOTr) na pag-aralang muli ang inisyu nitong Department Order 2020-012 noong pandemic na nag-uutos ng 100-percent cashless toll collection.
Matatandaang, nauna nang sinuspinde ang pagpapatupad nito matapos ulanin ng samot-saring reklamo at pagtutol ng ating mga Kababayan. Ngayon, muli na naman itong binubuhay sa gitna ng kabit-kabit na kalbaryong ating nararanasan.
Una sa lahat, hindi pa lubusang naaayos ang tinatawag na “interoperability” at integrasyon sa paraan ng pagkolekta ng toll. Sa kasalukuyan, magkahiwalay pa rin ang kinakailangang paglo-load sa Autosweep at sa Easytrip, kahit puwedeng iisang card na lang ang gamitin na kakargahan naman ng dalawang beses sa halip na isahan na.
Bakit ba hindi muna ito plantsahin bago pa man pag-isipang mag-dry run habang himukin ang lahat ng motoristang daraan sa mga napiling toll plaza na magpakabit ng RFID sa kani-kanilang sasakyan?
Kusa naman na susunod ang ating mga Kababayan sa isang maayos at kumbinyenteng sistema na papabor sa kanila at hindi sila madedehado.
Kung lagi o kahit panaka-naka kayong dumaraan sa mga expressway, mapapansin n'yo ang madalas na mahabang pila sa mga cash lanes ng mga toll plaza. Sa pagpunta ko sa ilang lugar sa Norte kamakailan tulad ng Balagtas at San Fernando, tambad ang pila ng sasakyan sa cash lane, maging sa paglabas ng NLEX pa-Maynila.
Sa kasalukuyan, pinipili pa rin ng maraming motorista na magtiis na pumila at matagalan sa cash lanes para magbayad ng saktong toll lamang. Gusto man nilang maging kumbinyente, kulang ang laman ng kanilang bulsa para sa ilang daang piso na paunang load sa pagkuha ng RFID at pagmintina ng minimum load requirement dito.
Kapag tuluyan nang inalis ang cash lanes, mapipilitan silang magpakabit ng RFID at magmintina ng minimum balance kahit pa minsan lang nilang gagamitin ang kanilang sasakyan. Iindahin ito lalo ng mga taga-probinsiya na bihirang lumuwas ng Maynila na kailangang dumaan sa mga expressway.
Sa hirap ng buhay, anumang dagdag na babayaran nila ay kabawasan sa pambili ng pagkain at pabigat sa gastusin. ‘Di bale sana kung ang load na maiiwan sa RFID ng mga hindi madalas na bumiyahe ay kikita o tutubo, pero matutulog lang ito at walang pakinabang sa kanila. Mabigat talaga para sa kanila ang magkarga ng paunang load na P300 o P500 para sa pagpapakabit ng RFID na bihira nilang magagamit.
Naalala ko tuloy ilang taon na rin ang nakararaan at wala pa noong pasa-load, nagkaubusan ng murang prepaid cell cards at puro halagang P500 ang mabibili. Nagreklamo nang husto ang mga tao, kaya nakarating agad sa mga kinauukulan sa Senado, at biglang nagkalat na uli ang mga murang cell cards para sa masa.
Kaya nananawagan tayo sa Mataas at Mababang Kapulungan, kina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez, na isipin sana ang kapakanan ng ating mga Kababayan. ‘Wag munang tanggalin ang cash lanes sa mga toll plaza para sa ating mga ordinaryong biyahero. Pagmalasakitan sana natin sila.





Comments