10 Teams, abangan ang tapatan sa NBL President's Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 6, 2022

Magbubukas ngayong araw ang 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup hatid ng FSD Auto Insurance tampok ang tatlong mainit na laro sa Bulacan Provincial Capitol Gym sa Malolos City. Aabangan ang tapatan ng pinaghalong 10 mga nagbabalik at baguhang koponan bilang patunay ng patuloy na paglago ng liga matapos ang matagumpay na unang taon bilang ligang propesyunal.
Sasalubungin ng punong abala DF Bulacan Republicans ang bisita at bagong tatag na Cagayan Valley Water Buffalos sa tampok na laro ng 6 p.m. Maganda ang simula ng Republicans sa 2021 Chairman’s Cup subalit sinayang ang twice to beat sa quarterfinals at natalo ng dalawang sunod sa Taguig Generals, 78-86 at 94-105, upang magpaalam ng maaga.
Markado para sa Cagayan Valley si guwardiya Dahrrel Caranguian na dating Most Valuable Player ng NCRAA para sa De Ocampo Memorial College. Kilala si Caranguian sa talento sa opensa kaya asahan ang mataas na iskor laban sa Republicans na madalas lampas 100 ang puntos bawat laro.
Babalik sa panig ng Republicans si sentro Joseph Celso at gwardiya Ryan Spencer Operio bilang mga maaasahang beterano. Umarangkada ang Bulacan sa 5-1 simula subalit isa lang ang panalo sa huling tatlong laro sa elimination round para sa kartadang 6-3 at 4th place.
Bago ang aksyon, magkakaroon ng pambungad na palabas sa 12:00 ng tanghali at papayagan na manood ang publiko sa unang pagkakataon
Ang iba pang kalahok ay ang 2021 Chairman’s Cup champion Pampanga Delta, Taguig Generals, Paranaque Aces at isa pang baguhan FSD Makati. Ang mga laro ng NBL ay iikot muli sa mga tahanan ng mga koponan tuwing Sabado at Linggo.





Comments