top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

10 magkakaanak, patay sa sunog sa Muntinlupa City – BFP

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 18, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | December 18, 2022



Nasa 10 na ang kumpirmadong namatay matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Putatan sa Muntinlupa City ngayong Linggo ng umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Sa isang radio interview, sinabi ni City Fire Marshal Fire Superintendent Eugene Briones na nadagdagan pa ang mga nasawi na 10 mula sa pito dahil sa sunog na una nang nai-report.


“Actually, ‘yung nanay, nakayakap sa kanyang five-month old na bata… ‘Yung tatlo naman na malalaking lalaki, magkakasama sila doon sa isang side na malapit sa gilid na ng bahay. Siguro nag-attempt sila na makalabas, hindi magawa kasi may grills nga ang bahay,” sabi ni Briones.


“May isang matanda na sa CR namin natagpuan at nakasuksok ang ulo niya sa ilalim ng lababo. Siguro para maiwasan din ang usok dahil ‘yan naman talaga ang papatay sa atin,” dagdag niya.


Ayon kay Briones, natagpuan nilang buo ang katawan ng mga bangkay at hindi ito nasunog.


Una na ring sinabi ni Briones na ang mga namatay na magkakamag-anak ay natagpuan sa unang palapag at sa ikalawang palapag ng bahay.


Batay sa inisyal na impormasyon, ayon sa BFP ang one-storey house na mayroong katabing two-storey residential house ang naapektuhan ng sunog. Lahat ng 10 nasawi ay mula sa tatlong pamilya na nakatira roon.


Tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng pinsala matapos ang sunog.


Ayon sa BFP National Capital Region public information office (NCR-PIO), sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Larva Street, Bruger Subdivision sa Barangay Putatan ng alas-8:56 ng umaga habang itinaas ito sa unang alarma ng alas-9:02 ng umaga.


Inilagay namang under control ang sunog ng alas-9:25 ng umaga at idineklarang fire out ng alas-10:25 ng umaga.


“Actually, isang bahay lang ang involved natin dito na dalawang palapag. Medyo malaki po ang bahay. ‘Yun nga po, meron tayong mga casualty, ‘ayun ang mahirap doon. Isang pamilya ang nadamay dito, magkakapamilya,” saad pa ni Briones sa radio interview.


Sinabi ni Briones na nasa 10 indibidwal ang naninirahan sa nasunog na bahay, subalit hinahanap pa ng mga opisyal ang nai-report naman na nawawala.


Aniya pa, ang mga biktima ay hindi na nakuhang makalabas sa nasusunog na bahay dahil sa natutulog pa rin ang mga ito nang mangyari ang insidente.


Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang posibleng naging dahilan ng sunog.


Gayundin, ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ay naroroon na sa lugar.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page