10 katao, nadale ng magnitude 6.4 na lindol sa Abra – PDRRMO
ni Lolet Abania | October 26, 2022

Nasa tinatayang 10 katao ang nai-report na nasaktan matapos ang magnitude 6.4 na lindol sa Abra nitong Martes ng gabi, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).
“So far, meron tayong anim na individuals na injured sa Lagayan, isa sa San Quintin, at tatlo po sa San Juan,” pahayag ni PDRRMO officer-in-charge Arnel Valdez sa isang radio interview ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Valdez na ilan sa mga nasaktan ay dahil sa bumabagsak na mga debris sa mga ito habang kasalukuyang lumindol.
Ilang mga simbahan at istruktura ng municipal halls ang apektado ng pagyanig, na ayon pa kay Valdez ang lumang simbahan sa Lapaza ay kanila nang ikinordon.
Sinuspinde naman ang mga klase at trabaho sa gobyerno dahil sa naging epekto ng lindol.
Gayundin, naiulat ang mga landslides sa kahabaan ng mga kalsada ng Abra-Kalinga, Abra-Ilocos Norte at sa Tubo, Abra, kung saan lahat ng insidente ay naganap sa malalayong lugar.
Ayon kay Valdez, ilang apektadong residente naman ang pansamantalang tumira sa labas ng kanilang mga bahay at nagtayo ng mga tents na ibinigay sa kanila nitong Martes ng gabi.
Aniya pa, napinsala din ang mga water systems sa ilang mga lugar sa Abra.
Sa hiwalay na interview, sinabi ni Philippine Independent Church parish priest na si Fr. Christian Edward Abao na ang kampanaryo o belfry ng kanilang chapel ay bumagsak na dahil sa lindol.
“Initially po nu’ng July 27, ‘yung unang earthquake dito po sa Abra nagkaroon po ng crack itong simbahan natin. Pero ngayon po, bumagsak na ‘yung belfry natin tsaka lumaki po ‘yung ibang crack sa loob,” saad ni Fr. Abao.
Samantala, alas-10:59 ng gabi nitong Martes, Oktubre 25, isang magnitude 6.4 na lindol ang tumama sa Lagayan, Abra, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Base sa earthquake bulletin ng ahensiya, ang epicenter ng lindol ay nasa layong 7 kilometro hilagang kanluran ng bayan ng Lagayan. Habang naitala ang lindol na tectonic at may lalim na 11 kilometro.





Comments