10-12 oras… Ilang lugar sa Metro Mla., mawawalan ng serbisyo ng tubig – Maynilad
ni Lolet Abania | October 13, 2022

Aabot ng 10 hanggang 12 oras na mawawalan ng serbisyo ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila hanggang Oktubre 17 dahil ito sa pagbaba ng water level sa Ipo Dam, sa Bulacan, ayon sa Maynilad Water Services.
“Napansin po kasi natin, na in recent days, wala na pong mga pag-ulan dito po sa watershed na pumapalibot sa ating Ipo Dam,” pahayag ni Jennifer Rufo, head ng Corporate Communications ng Maynila sa isang interview ngayong Huwebes.
“Importante po kasi na mataas ang water elevation sa Ipo Dam para sapat po ‘yung raw water na bumababa mula sa dam na ‘yan papunta sa ating mga planta sa Quezon City.
Dahil mababa po ‘yung elevation niya sa ngayon, ‘yung raw water supply po na nakakarating sa’tin ay kapos na po siya,” paliwanag ni Rufo.
Sa isang Facebook post, inanunsiyo ng Maynilad na mawawalan ng serbisyo ng tubig mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga ang portion ng Makati City, Pasay City at Parañaque City mula Oktubre 12 hanggang 17.
Habang mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw ang nakaiskedyul na daily water service interruption sa ilang lugar sa Malabon at Navotas hanggang Oktubre 17.
Ayon kay Rufo, patuloy ang ginagawa ng Maynilad upang madagdagan ang suplay ng tubig sa bahaging kanluran ng National Capital Region (NCR).
“Actually nitong Lunes po dahil nakita po natin na bumaba pa ‘yung elevation sa Ipo Dam, humingi po muna tayo ng tulong sa ating kapitbahay na concessionaire, na makadagdag sa cost order ng supply. Nakapagbigay naman po sila, pero kapos pa rin po kami ng around 50 million liters per day,” saad ni Rufo.
Sinabi rin ni Rufo na lumapit na ang Maynilad sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na siyang nag-request sa National Water Resources Board (NWRD) para sa dagdag na release ng tubig mula sa Angat Dam, aniya, “para po madagdagan ng tubig ‘yung Ipo, maitaas lang po ‘yung elevation niya.”
“And sa kabutihang palad po, ginrant po ito ni NWRB, so inaantay na lang po natin ang epekto nito sa Ipo Dam,” sabi pa ng opisyal.
Pinayuhan naman ni Rufo ang publiko na dapat na maging responsable at matutong magtipid sa paggamit ng tubig.
Batay pa sa ahensiya, bukod sa National Capital Region (NCR), apektado rin ng water service interruption ang ilang bahagi ng Cavite hanggang Oktubre 16.





Comments