top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

1 patay, 15 pa nadale ng chicken mami sa Tondo

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 21, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | July 21, 2022




Isa na ang namatay mula sa 16 na residente sa Barangay 172 sa Tondo, Manila na isinugod sa ospital dahil umano sa food poisoning.


Kinilala ang nasawi na si Josefina Manila, 45-anyos, isang PWD, na hindi agad nadala sa ospital nang matagpuan itong bumubula ang bibig o frothing na mag-isa sa kanyang silid matapos na kumain ng chicken mami, kung saan ito rin ang kinain ng ibang mga biktima kabilang na ang vendor.


Batay sa report, walo sa mga biktima ay dinala sa Tondo Medical Center at nasa maayos nang kondisyon, habang ang iba ay nasa Jose Reyes Memorial Medical Center at Chinese General Hospital na nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka.


Si Levita Manila, 72-anyos, ang ina ni Josefina ay mabuti na rin ang kalagayan.


Ayon sa kaanak ni Josefina na si Kenneth Santos, matapos na kumain ng chicken mami, si Levita ay nagduduwal, at nagsusuka habang naging violet na ang mga kamay nito nang isugod sa ospital.


Sa CCTV footage, makikita ang isang bata na nagsusuka, at isa pa, habang ang ilan sa mga biktima ang hinimatay na, na mabilis namang nirespondehan ng mga barangay officials at agad dinala lahat sila na nakaranas ng sintomas ng food poisoning sa ospital.


Gayundin, base sa report, ang vendor ng chicken mami ay isinugod sa ospital matapos na kumain nito na kanyang itinitinda.


Paliwanag naman ni Aner Dela Vega, ina ng vendor, wala silang ideya kung bakit ang kanilang mga kostumer ay nalason ng pagkain nito dahil aniya, ang ibinebenta nila ay parehong chicken mami sa kanilang mga kapitbahay ng halos 20 taon na.


“Ayon sa kwento ng anak ko, wala naman po siyang ibang halo dahil almost 20 years na po siyang nagtitinda niyan [...] Walang kakaibang ginawa,” sabi ni Dela Vega.


Sinabi naman ng mga barangay officials na ang mga biktima ay makatatanggap ng financial aid, partikular na para sa kanilang kinakailangang medikasyon.


Kumolekta na rin ang mga awtoridad ng mga samples ng chicken mami upang madetermina kung ito ang naging dahilan ng pagkalason ng mga biktima.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page