top of page
Search
  • BULGAR

1 milyong bata, target na bakunahan kontra pertussis at tigdas

ni Ryan Sison @Boses | Abril 7, 2024



Upang mapigilan ang dumaraming kaso ng pertussis at tigdas, isinasagawa na ang pagbabakuna sa bahay-bahay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


Ang Department of Health (DOH), na nakikipagtulungan sa World Health Organization (WHO), ay nagtalaga ng mga 4,000 personnel para mabakunahan ang mahigit isang milyong bata na kanilang target sa naturang rehiyon.


Ayon kay Dr. Rui Paolo De Jesus, WHO representative in the Philippines, hanggang nitong Biyernes ay wala pang 232,890 ang kanilang nabakunahan, kung saan kumakatawan sa 17 porsyento ng kanilang target population.


Nanawagan din ang WHO official para sa mas maigting na pagkilos upang matiyak na ang mga bata ay protektado mula sa mga sakit.


Sinabi ni WHO Western Pacific Regional Director, Dr. Saia Ma’u Piikala, na inaasahan na nila ang paglaganap ng measles outbreak sa mga member states sa rehiyon, at sa palagay niya ito ay napakahalaga dahil nakikita na nila ang mga kaso ngayon sa Vietnam, Malaysia, Lao People’s Democratic Republic.


Ipinahayag naman ni Dr. Mohammad Arrif Baguindali, head ng Integrated Provincial Health Office, na nang mapansin nila na lumalaki talaga ang bilang ng mga tinamaan ng naturang sakit ay kinalampag nila agad ang kanilang surveillance. Aniya, hinaype nila ang kanilang mga health facility upang tugunan ang problema.


Hinihimok naman ng DOH ang bawat bata sa buong bansa na bisitahin ang kanilang health center nang hindi bababa sa limang beses, bago ang kanilang unang kaarawan.

Ito ay para makumpleto ang kanilang libreng vaccination laban sa tigdas, rubella, polio, pertussis, dipterya, hepatitis b, tuberculosis at meningitis. 


Tama ang naging desisyon ng kinauukulan na mag-house-to-house na lamang ng pagbabakuna sa mga bata laban sa tigdas at pertussis, at iba pang sakit.


Kadalasan kasi ay nakakaligtaan na rin ng marami sa atin na may mga nakatakdang vaccination para sa mga sanggol at mga bata. May iba naman na napabayaan at hindi bumibisita sa mga health center para sa mga nakaiskedyul na well baby ng kanilang mga anak.


Pero dahil sa ginagawang pagbahay-bahay ng ating mga doktor at healthcare worker na pagbabakuna laban sa tigdas at pertussis, hindi lang maiiwasan ng mga bata ang naturang sakit, kundi matitiyak pa ang pagkakaroon nila ng mabuting kalusugan.


Sana, tuluy-tuloy ang pagtse-check at pagtuon ng kagawaran sa kalagayan ng mga bata sa maraming lugar sa bansa, lalo na sa mga probinsya, para habang lumalaki sila ay magiging malusog at ligtas sa anumang banta ng sakit.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page