top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

1.46M metriko tonelada ng palay, nanganganib dahil sa El Niño

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 9, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | October 09, 2023


Maaaring mawalan ng 1.46 milyon metriko tonelada ng palay kada panahon ng anihan dahil ito sa pagsisimula ng El Niño.


Batay sa data ng National Irrigation Administration (NIA), ang potensyal na pagkawala ay nakalkula base sa 267,000 ektarya ng palayan na maaaring makompromiso sa panahon ng dry spell o tagtuyot.


Sinabi ni NIA Deputy Administrator Josephine Salazar, na kabilang sa agricultural regions sa bansa, ang Gitnang Luzon ay inaasahang tatamaan nang husto sa humigit-kumulang 85,000 ektarya ng rice land o palayan na madaling maapektuhan ng tagtuyot.


Pumangalawa ang Soccsksargen na may 27,000 ektarya ng rice fields, kasunod ang Ilocos na may 24,000 ektarya ng palayan.


Ang iba pang vulnerable regions ay ang Mimaropa na may 17,000 ektarya, Western Visayas na may 15,000 ektarya, Central Visayas na may 14,000 ektarya at Zamboanga na 13,000 ektarya.


Ayon kay Salazar, ipino-promote nila na sa bahaging tail end ng irrigation system ay iminumungkahing mga high value crop ang itanim.


Kabilang naman sa mga crops na nakalista bilang prayoridad ng High Value Crops Development program ng Department of Agriculture (DA) ay mangga, saging, kape, kakaw at sibuyas.


Aniya, nakikipag-ugnayan na ang NIA sa DA para sa preposition ng mga buto o seeds ng mga high value crops.


Gayundin, humihingi na ang NIA sa Kongreso ng P41 bilyon sa ilalim ng 2024 national budget para madagdagan ang lawak ng mga irrigated lands sa Pilipinas, na nasa 2.1 milyong ektarya o 68 porsyento ng kabuuang irrigable lands sa bansa.


Hinihiling din nila ito ani Salazar, upang ma-sustain ang supply ng bigas at para na rin maging food secure ang bansa.


Sa ngayon ang NIA ay nagtatag ng ilang tinatawag na “drip irrigation at sprinkler system” gayundin, ang solar-powered irrigation system bilang karagdagan sa mga karaniwang proyekto ng irigasyon ng ahensya.


Matindi talaga ang magiging epekto sa mga pananim lalo na sa mga palayan na idudulot ng El Niño.


Kung iisipin milyong tonelada ng palay ang mawawala sa atin sa tuwing anihan kapag umepekto na nang husto ang naturang phenomenon sa bansa.


Kaya tama lang na ngayon palang ay pinaghandaan na ito ng gobyerno upang sakaling tumama na sa atin, hindi na tayo gaanong apektado habang gumagawa na sila ng mga paraan para magkaroon ng sapat na supply ng pagkain.


Hiling natin na sana ay palawakin pa ng kinauukulan ang mga programang makakatulong para sa food security ng ating bansa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page