top of page
Search
  • BULGAR

1,347 bagong kaso ng HIV – DOH

ni Lolet Abania | December 1, 2022



Nakapagtala ang bansa ng 1,347 bagong kaso ng HIV nitong Setyembre, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.


Sa datos ng DOH, ang latest figure ay 37 porsiyentong mas mataas kumpara sa 981 kaso ng HIV na nai-report sa parehong buwan noong nakaraang taon.


Base sa HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines, nasa 1,293 o 96% ng bagong na-diagnose ng naturang sakit ay mga lalaki habang 54 o 4% ay mga babae, kung saan 7 sa kanila ay nai-report na buntis sa panahon ng pagsusuri sa mga ito.


Batay din sa report, ang edad ng mga bagong kaso ng HIV ay naglalaro sa pagitan ng 2 hanggang 71-anyos.


Tatlong kaso o mas mababa sa 1 percent ay mas bata sa 15-anyos; 418 o 31% ay edad 15 hanggang 24; 667 o 50% ay edad 25 hanggang 34; 229 o 17% ay edad 35 hanggang 49 habang 30 o 2% ay 50-anyos at pataas.


Sa naging record nitong Setyembre, sexual contact ang nananatiling pangunahing dahilan o mode of transmission ng HIV, na nagre-represent ng 1,323 cases o 98 percent.


Limang kaso rito ay dahil sa sharing o paggamit ng infected na mga karayom habang 2 iba pa ay mga bata na nakuha ang HIV sa pamamagitan ng mother-to-child transmission.


Para sa mga pasyente na na-acquire ang HIV sa pamamagitan ng sexual contact, 941 o 71% ay mga lalaki na nai-report na may history ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki, 260 o 20% nakipag-sex sa parehong mga lalaki at mga babae habang 122 o 9% kaso naman mula sa opposite sex.


Ibinunyag din sa HARP data na mahigit sa kalahati o 746 ng mga newly reported cases ay mula sa Metro Manila at karatig rehiyon ng Calabarzon at Central Luzon.


Nitong Setyembre, ayon sa DOH, mayroong 1,058 indibidwal na ang naka-enroll sa anti-retroviral therapy.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page