1.2 M trike drivers at operators, target bigyan ng fuel subsidy – DILG

ni Lolet Abania | April 7, 2022

Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Huwebes na tinatayang 1.2 milyong tricycle drivers at operators ang maaaring mapabilang sa mga benepisyaryo para sa fuel subsidies.
Sa isang press conference, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ang ahensiya ay naatasan para i-direct ang mga local government units (LGUs) na magbigay ng listahan ng mga pangalan ng mga tricycle drivers at operators.
Ang listahan ay isusumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na sila namang magpapamahagi ng cash aid sa mga benepisyaryo.
“More or less ang estimate is about 1.2 million tricycle operators and drivers. This list we are going to submit to the LTFRB. Sila pa rin ang mamimigay noon,” sabi ni Año.
Ginawa ni Año ang pahayag nang tanungin siya kung naipasa na ng DILG ang naturang listahan sa LTFRB. Binanggit naman niya na ang submission ng mga pangalan ay patuloy na pinoproseso.
Una nang sinabi ng LTFRB na hinihintay pa nila ang listahan ng mga pangalan ng mga tricycle drivers mula sa DILG.
Noong Marso, sinimulan ng LTFRB ang distribusyon ng P6,500 fuel subsidies sa mahigit sa 377,000 kuwalipikadong PUV drivers at operators upang makatulong sa kanila na makabawas sa nararanasang pagtaas sa presyo ng langis sa gitna ng Ukraine-Russia conflict.
Ang subsidy ay maaaring makuha sa pamamagitan ng mga cash cards na inisyu ng Landbank of the Philippines na kanilang magagamit sa mga accredited fuel stations.





Comments