SETH, NAKABILI NA NG FARM, 3 SASAKYAN, PINAG-AARAL ANG MGA KAPATID, ETC.
- BULGAR
- Sep 1, 2022
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | September 1, 2022

Ang amang si Ginoong Richard Fedelin pala ang dahilan kung bakit naging artista ngayon si Seth Fedelin dahil ipinagtulakan siyang mag-audition sa Star Hunt The Grand Audition na ginanap sa Araneta Coliseum, Quezon City noong 2018.
Ito ang pagtatapat ni Seth sa vlog ni Ogie Diaz na in-upload sa YouTube channel nitong Martes nang hapon.
Kuwento ng batang aktor, “Sabi ni Papa, ‘Anak, subukan mo nga ito (Star Hunt).’ Nakita niya ‘yung ads ng February, 2018. Tapos, a day before audition, sabi ni Papa, ‘Ano, tutuloy ka ba?
Mag-audition ka ba?’"
Ayaw pa raw sana niyang mag-audition dahil wala naman siyang naiisip na talent na ipapakita at wala rin siyang self-confidence.
Ganunpaman, pinagbigyan pa rin niya ang ama.
“Si papa ang naging mentor ko sa buong audition ko," kuwento niya kung saan ang tatay din daw niya ang nagturo sa kanya ng kanyang isusuot.
"Inihatid lang ako ng lolo ko sa Araneta, tapos iniwan na ako, mag-isa lang ako. Nag-breakfast muna ako sa Farmer's kaya ‘yung limang daan (P500) ko, hati na, basag na.”
Nang abutan siya ng numero ay mahigit sa dalawang libo na ang bilang niya kaya nagulat siya dahil akala niya, maaga siya, 'yun pala ay marami nang mas maaga kesa sa kanya.
Nang pumasok na siya ay napansin na siya ni Direk Lauren dahil sa mata niya. Tinanong siya kung totoo ang kulay ng mga mata niya at kung nagsasalita siya ng Tagalog.
"Tapos ang ipinagawa sa amin, sayawin namin kung ano ‘yung pangarap namin. Eh, gusto kong maging seaman, so isinayaw ko, sagwan. Ito ang winning step ko talaga,” kuwento ng binata.
Inabot daw ng 27 hours na namalagi si Seth sa Araneta at wala siyang maibigay na update sa magulang niya dahil battery drained na ang cellphone niya at nakauwi siya sa kanila kinabukasan na, 8 AM.
Pagdating niya sa bahay ay biniro ang ama at sinabihang hindi siya natanggap at sayang ang limang daang pisong ipinabaon sa kanya.
“Sabi ni Papa, ‘Okay lang.’ Tapos, kinuha ko ‘yung star sa bag, sabi ko, ‘Joke lang.’ Tuwang-tuwa si Papa ko. Tapos, ang journey ko sa PBB, seven months.”
Nabanggit pa ng ama na sa lahat ng nag-audition ay ang anak daw ang may dating dahil bukod sa mukha siyang Amerikano ay malalim pang magsalita ng Tagalog at plus factor ‘yun.
May mga naririnig si Seth na kaya siya nakapasok sa PBB dahil may backer siya, bagay na itinanggi niya dahil 27 hours siyang naghintay sa audition at pitong buwan namang naghintay ng call back at lahat ay pinaghirapan niya kung nasaan man siya ngayon.
At ngayong kumikita na siya ay suportado niya ang pamilya, pero may time na sinabihan siya ng ina na umuwi na lang at huwag nang mag-artista dahil nga hindi na siya nakakasama.
“Sabi ni Mama, ‘Kung ginagawa mo ito para sa amin lang, ‘wag ka nang mag-artista kasi magulang mo kami, hindi ikaw ang may obligasyon sa amin. Kami ang may obligasyon sa inyong magkakapatid.’
“Kaya sinabi ko na hindi kayo makakaramdam na manghihingi kayo sa akin, kusa kong ibibigay.”
Isa-isang binanggit din ni Seth ang mga pagbabago ng buhay nila at lahat ay hindi magbabago ang pakikitungo niya sa lahat at anuman ang sabihin ng iba, ang payo pa rin ng magulang niya ang sinusunod niya.
Nabanggit din ng binata ang pagbabalik-eskuwela ng mga kapatid na siya ang nagtataguyod.
“Pa, 'yung limang daan mo na ibinigay sa audition, napalitan na ng milyon. Magiging mayabang na ako, ilan na ang kotse natin, tatlo na. Nabilhan kita ng farm, nabilhan kita ng motor mo, dalawa.
“Ako, merong big bike, si Mama, napagawan natin ‘yung bahay, naka-centralized aircon.
‘Yung sabi mong pangarap mo na hindi mo na magagawa (kasi na-stroke ang ama), tingnan mo, Pa, sabi ko sa ‘yo, tutulungan kita at hindi magbabago ‘yun.
“Respeto ko sa inyo ni Mama na dalawa, sobrang taas. Handa akong mawala ang lahat ng meron sa akin ngayon, basta kayo, hindi ko kayo kayang mawala,” mensahe pa ni Seth sa mga magulang.
コメント