ni Chit Luna @Brand Zone | March 5, 2024
Isang dating opisyal ng US Food and Drug Administration (FDA) ang nagsabing maaaring makatulong ang Zyn nicotine pouch, isang bagong popular na produkto sa Amerika, sa paghinto ng paninigarilyo.
Ayon kay Dr. Scott Gottlieb, isang doktor at dating commissioner ng US FDA sa panayam ng CNBC, makakatulong sa kalusugan ng mga nininigarilyo kung sila ay lilipat sa modified-risk products tulad ng Zyn nicotine pouch na sumisikat ngayon sa tulong ng social media.
“If we can convert more currently addicted adult smokers onto these modified risk products [Zyn nicotine pouches] that don't have all the harms associated with combustion, we can achieve a substantial net public health benefit,” sabi ni Dr. Gottlieb.
Ginawa ni Dr. Gottlieb ang pahayag sa gitna ng tumataas na katanyagan ng Zyn nicotine pouch sa US na mabilis na nalampasan ang benta ng iba pang produkto. Ang Zyn nicotine pouch ay walang usok na oral nicotine delivery system.
Sinabi ni Dr. Gottlieb na sa pagtaas ng benta sa merkado ng Zyn nicotine pouch, dapat muling pag-usapan ang konsepto ng tobacco harm reduction, dahil ang kawalan ng pagsunog at usok tulad ng mga bagong produktong ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang na alternatibo sa sigarilyo. Ang usok mula sa pagsunog ng tabako ang pangunahing sanhi ng pagkamatay at sakit na nauugnay sa sigarilyo.
Aniya, ang nikotina ay hindi ang sanhi ng kamatayan at sakit mula sa paninigarilyo. Ang totoong dahilan, ayon kay Dr. Gottlieb, ay ang usok mula sa pagkasunog.
Ang tobacco harm reduction (THR) ay itinuturo ng mga eksperto bilang isang siyentipiko at nakabatay sa ebidensya na diskarte sa pampublikong kalusugan na makakatulong sa milyun-milyong naninigarilyo na lumayo sa usok.
Naniniwala ang mga eksperto na ang pagtaas ng access at pagtanggap sa mga modified-risk products tulad ng Zyn nicotine pouch ay maaaring makatulong na mabawasan ang kamatayan at sakit na nauugnay sa paninigarilyo. Ito ay napatunayan sa mga bansa tulad ng Sweden, United Kingdom at Japan na nakaranas ng makabuluhang tagumpay sa THR.
Ayon kay Dr. Gottlieb, 28 milyong Amerikano ay patuloy na naninigarilyo hanggang ngayon. Aniya, habang bumaba ang antas ng paninigarilyo sa mga nakaraang taon, ito ay bumabagal. Ang makatutulong ng malaki ay ang pagpapakilala ng mga produktong may mas mababang panganib kaysa sigarilyo sa mga naninigarilyo na nasa hustong gulang.
Kinumpirma ni Prof. David Sweanor, isang adjunct law professor sa University of Ottawa at isang nangungunang tagataguyod ng harm reduction, na maraming naninigarilyo ang lumipat na sa mga modified-risk products tulad ng vape, heated tobacco at nicotine pouch mula sa mga tradisyonal na sinusunog na sigarilyo.
Namangha si Prof. Sweanor sa mabilis na pagbulusok ng Zyn nicotine pouch na nalagpasan ang benta ng ibang brand tulad ng Copenhagen, Grizzly at Skoal. Ito ay nagpapatunay ng pagiging dynamic ng dating tahimik na merkado ng oral nicotine, aniya.
Iginiit ni Dr. Gottlieb na may papel ang Zyn nicotine pouch bilang transisyonal na produkto na paglayo sa paninigarilyo, subalit dapat aniyang magkaroon ng tamang regulasyon para dito.
Sinabi ni Dr. Gottlieb na dapat ding higpitan ng mga social media platform tulad ng Facebook, Instagram, Twitter, Snapchat, Youtube at Tiktok ang alituntunin sa advertising ng mga produktong ito.
Mayroong 600,000 aplikasyon ang nakabinbin sa FDA para sa iba't ibang mga produktong tabako. Sinabi ni Dr. Gottlieb na dapat unahin ang mga produktong may mas mababang panganib para maaprubahan at matiyak na naaangkop ang posisyon nila sa mercado.
תגובות