Year of the pig, masayahin kaya ayaw sa mga kj
- BULGAR
- Jul 13, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 13, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign a Pig o Baboy.
Bukod sa pagiging easy go lucky, kilala rin ang Baboy sa pagiging masayahin. Ang ikinaganda pa nito, hindi lang sarili niya ang gusto niyang mapasaya kundi para sa isang Baboy, mas maganda kung lahat ay masaya. Kaya naman labis na kinaiinisan ng Baboy ang isang kasama o kaibigan na “kill joy” o ‘yung mga tao na imbes na makisaya ay sila pa ang pumipigil para maging masaya ang kanyang kapwa. Tunay ngang sila ang mga taong “kill joy” na labis na kinaiinisan ng mga Baboy at ayaw na ayaw talaga nilang makasama.
Bukod sa pagiging likas na masayahin, ang Baboy ay kilala rin sa pagiging tapat, mainit at masarap magmahal, lalo na sa mga pakikipagkaibigan at pakikisalamuha sa kapwa, talaga namang maaasahan at masasandalan siya. Hindi ka iiwanan ng isang Baboy sa pansitan, sa halip, palaging nakalaan ang kanyang mga oras, panahon at kamay upang ikaw ay damayan at tulungan sa anumang uri ng iyong pangangailangan at problema.
Gayunman, dahil kilala sa pagiging mabait at matulungin, kadalasan, ang Baboy ay hindi naiiwasang mabiktima ng mga taong mapagsamantala at mandaraya. Sa umpisa ay makikipagkaibigan at mapapaniwala naman niya ang Baboy na naging tapat na kaibigan, ngunit sa huli, matutuklasan na lamang ng Baboy na inutakan at niloko lang pala siya ng nasabing kaibigan na pinagkatiwalaan niya. Sa puntong ito, mahalagang kilalanin muna ng Baboy ang mga taong kakaibiganin niya o ang mga taong makikisangkot sa personal niyang buhay bago niya lubusang pagkatiwalaan. Sa ganitong paraan, ‘pag naging maingat sa pagpili ng kaibigan ang mabait at madaling mautong Baboy, hindi siya gaanong mapapahamak at mapaglalamangan ng mga taong mapagsamantala.
Bukod sa pagiging mabait, kilala rin ang Baboy na mapagbigay at madaling magtiwala sa mga kaibigan at taong nakapaligid sa kanya. Kadalasan, ito ang nagiging dahilan upang mabilis na nawawaldas o nauubos ang mga ipinundar na kabuhayan o ipon ng Baboy dahil ito ay naipamimigay niya nang hindi sinasadya o nailalabas ang kanyang mga naipon dahil sa labis na tiwala at kabaitan sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Kaya naman ito ang dapat iwasan ng Baboy— ang masyadong nagtitiwala at labis na mapagbigay upang mapanatili niya ang maunlad at matatag na kabuhayan, kung saan hindi siya dapat maging labis na mapagbigay sa mga kaibigan at kakilala.
Sa maikling salita, kailangang matutunan ng Baboy ang bahagyang pagkukuripot at pagdadamot upang tulad ng kaibigan niyang Baka ay makatikim din siya ng maunlad at maalwang pamumuhay, partikular sa larangan ng materyal na bagay, higit lalo sa panahon ng kanyang pagtanda.
Itutuloy







Comments