top of page
Search
  • BULGAR

Year of the Monkey, susuwertehin habang nagma-mature

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | May 27, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016 at 2028, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Unggoy.


Ipinapangako ng taong ito sa isang Unggoy ang pagbubukas ng maraming bagong oportunidad upang lalo pang tumatag at mahinog ang iyong pagkatao. Habang nagma-mature at natututo sa mga nakaraang karanasan, kasabay nito ang tuluy-tuloy na pagdating ng iba’t ibang uri ng suwerte at magagandang kapalaran, higit lalo sa kalagitnaan ng taong 2021.


Magsisimulang magbigay ng bagong ngiti at galak ang langit sa Hulyo at tuluy-tuloy na ito hanggang sa susunod na buwan ng Agosto hanggang sa sumapit ang Christmas 2021, kung saan sa huling quarter ng taon, magiging abala ka sa pamumulot ng suwerte na inihulog ng langit na nagkalat sa iyong mga dinadaanan.


Bagama’t may mga pagsubok pa ring darating sa taong ito, hindi na kasing tindi ng nakaraang taon. Sa halip, kung noong nakaraang taon ay hadlang sa mga plano mo ang nasa itaas, ngayong 2021, langit ang kikilos upang isa-isang hawiin ang mga balakid sa iyong daraanan. Kaya naman ‘pag nagpatuloy kang nagsisikap, matatag at hindi sumusuko, sa bandang huli ay makakamit mo rin ang tagumpay sa lahat ng nais at balakin mo sa buong taong ito ng 2021.


Samantala, pinaaalalahanan ka rin na ngayong 2021, ang akala mong suwerte sa umpisa na aabutin mo na lang sana ay bigla pang maraming kokontra, na tila iisipin mo na namang hindi yata pumapabor ang kapalaran sa iyong mga kagustuhan. Pero hindi naman ganu’n, sa halip ay nagkakamali ka ng akala dahil ang totoong mangyayari, hindi sa iyo ipagkakaloob ng langit ang bagay na gustung-gusto mo. Ngunit kaya nangyari ‘yun ay dahil may mas malaki at magandang surpresa sa iyo ang nasa itaas na magiging dahilan upang lalo ka pang umulad, yumaman at maging maligaya.


Ang assignment mo lang, anuman ang mawala sa iyo ngayong taon, hindi ka dapat manghinayang dahil tulad ng kuwento ni Job sa Bible, nawala ang lahat ng kanyang mga anak at kabuhayan, ngunit sa isang iglap, pinalitan ng Diyos ng mas magagandang anak at masaganang kabuhayan ang mga bagay na nawala sa kanya.


At tulad ng nasabi na, basta palagi kang magtiwala sa nasa itaas, nakatakda kang magkamit sa kalagitnaan ng taon ng kasaganaang pangmateryal at kakaibang ligaya at aspetong pandamdamin na, magpapakilig sa iyo sa buong Year of the Metal Ox.


Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page