top of page
Search
  • BULGAR

Year of the Horse, prayoridad ang paglalakwatsa kaya purdoy ‘pag ‘di natutong mag-ipon

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 17, 2021





Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Horse ngayong Year of Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Horse o Kabayo.


Sa pakikisalamuha sa tao at pakikipag-ugnayan sa kapwa, sinasabing ang Kabayo ay masarap maging kaibigan at kasama, ngunit hindi siya kahusayan sa pagbibigay ng advice o payo, lalo na sa mga seryoso at totohanang problema ng buhay dahil ang kanyang isipan ay palaging nakatuon sa paglalakwatsa at pagpapasarap ng buhay.


At dahil masarap kasama at kaibigan ang isang Horse, magaling din siyang magkuwento at kapag kasama mo siya, marunong din siyang magpatawa at sadyang nakalilibang talaga. Kaya naman karamihan sa mga Kabayo ay may malalaking grupo ng mga kaibigan, palabarkada, mahilig sa gimmick, outing, picnic, mountain climbing at pamamasyal.


Dahil dito, sinsabing bihira sa mga Kabayo ang labis na nagpapahalaga sa salapi. Bagkus, hindi nila sinasadya, hindi sila nakakaipon dahil mas ipinaprayoridad nila ang mga bagay na may kaugnayan paglalakwatsa, paggagala at pamamasyal kung saan hindi nila namamalayan na roon na napupunta ang malaking bahagi ng kanilang budget o buwanang kinikita.


Kaya naman kapag hindi natutong mag-ipon at magsinop ng kabuhayan ang isang Kabayo, tunay ngang sa kanilang pagtanda o kung bigla siyang mawawalan ng trabaho, siguradong hikahos na hikahos siya.


Gayundin, sinasabing karamihan sa mga Kabayo ay maagang umaalis sa puder ng kanyang pamilya dahil sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga, ang gusto talaga ng puso niya ay ang makalaya at magkaroon siya ng sariling diskarte at pamamaraan sa buhay.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing higit na ka-compatible ng isang Kabayo ang Tigre, Aso at Tupa. Sapagkat lilimitahan ng Aso ang pagiging lakwatsera at lakwatsero ng isang Kabayo. Habang itutulak naman ng Tigre ang Kabayo upang lalo pang maging masaya at maligaya sa mga ginagawa niyang pamamasyal at paglalakwatsa.


Makadarama naman ng comfort at kapahingahan ang Kabayo sa piling ng isang mabait, malambing, maasikaso at magpagmahal na Tupa.


Samantala, makakasumpong naman ang Kabayo ng malalim na karunungan sa isang Dragon at iba pang malalalim na kahulugan ng buhay na hindi niya natatagpuan sa ibang animal signs.


Makasusumpong din ng laya at kakaibang simpatya ang Kabayo sa piling ng isang Ahas, Unggoy, Kuneho, Baboy at Tandang, kung saan ang secondary compatibility ng Horse ang nasabing mga animal sign na puwede niya ring makasama sa pagbuo ng isang masaya at panghabambuhay na pamilya.

Itutuloy

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page