Year of the Dog, mas gustong tumulong sa kapwa kesa mag-ipon
- BULGAR

- Sep 24, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 24, 2020
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Aso o Dog.
Bukod sa mabilis magduda o laging naghihinala nang hindi maganda sa kapwa, kilala rin ang Aso sa pagiging malihim. Kaya naman kapag siya ay naging kaibigan mo, hindi mo agad makakabisado ang kanyang ugali dahil kapiraso lamang ng kanyang katangian ang ipakikita at ipadarama niya sa iyo. Likas kasi sa kanya na hindi ibinubunyag ang kanyang personal na buhay, maliban na lamang kung tiwalang-tiwala na siya sa iyo. Kaya naman sa unang pagkikita at inusisa mo nang husto ang mga personal niyang buhay, siguradong sa halip na magkalapit ang loob n’yo, tiyak na lalo siyang lalayo sa iyo.
Sa pakikipagkapwa, bagama’t masakit magsalita at may pagka-prangka, hindi naman niya basta-basta inilalabas ang kanyang galit at pagkainis sa walang katuturang mga bagay. Ibig sabihin, dahil may pagkasupistikado ang kanyang personalidad, hindi siya basta nakikipag-away o nakikipagtarayan. Sa halip, nasasabi lamang niya ang masasakit na mga salita at pakikipagtarayan kapag punumpuno siya ng galit at sama ng loob sa iyo. Dahil para sa isang Aso, ang pagpapasensiya ay higit na mahalaga sa lahat ng bagay at hangga’t kaya pa niyang magpaubaya, magpasensiya, magtiis at magbigay, gagawin at gagawin niya ito. Ngunit kapag napuno na talaga siya, tulad ng nasabi na, sobrang sakit niyang magsalita at sobrang sama kung magalit. Gayunman, ang ikinaganda sa isang Aso, hindi naman siya nagtatanim ng sama ng loob sa kanyang nakakagalit. Sa halip, laging bukas ang kanyang puso sa pagpapatawad at pakikipagkasundo.
Ang isa pa sa mga katangian ng Aso na kakaiba ay hindi siya materyoso. Ang nais lamang niya ay komportableng buhay at hindi siya mahilig mag-ipon, magkuripot at magpayaman. Para sa kanya, higit na mabuti ang magpakain sa mahihirap at kapus-palad, kaysa ipanglustay at ipampasarap ang sobrang pera. Tunay na may mabuting kalooban ang isang Aso sa kaibuturan ng kanyang puso na laging handang tumulong sa mga naaapi, mahihirap, kapus-palad at wala nang inaasahan pa sa buhay. At dahil sa kabutihang-loob na ito ng Aso, sa tuwi-tuwina, siya naman ay lalong pinagpapala ng nasa itaas, kaya bihira kang makakikita ng Aso na kapos sa buhay. Kumbaga, langit mismo ang laging sumusubaybay sa kanila at saanman sila mapadpad ay lagi nang ipagkakaloob sa kanila ang suwerte at magagandang kapalaran, lalo na sa panahong ito ng pandemya at sa susunod pang mga taon ng kanyang buhay.
Itutuloy






Comments