Yaman na hindi nalagay sa SALN, 'simple negligence' lang?!
- BULGAR
- Nov 8, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 8, 2022
DESISYON NG SANDIGANBAYAN NA SIMPLE NEGLIGENCE ANG KAYAMANANG HINDI NAISAMA SA SALN, PABOR SA MGA KURAKOT—Dinismis ng Sandiganbayan ang forfeiture case sa kayamanan ni yumaong dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona dahil 'simple negligence' lang umano ang nagawa ng dating punong mahistrado nang hindi nito nailagay sa Statement of Assets and Liabilities (SALN) ang kanyang dalawang bank accounts na naglalaman ng $2.4 milyon at P80 milyon.
Ganun? Aba'y dahil sa desisyon ng Sandiganbayan na pumabor kay Corona, tiyak na tuwang-tuwa ang mga kurakot kasi may dahilan na sila ngayon para hindi isama ang lahat ng kanilang kayamanan sa SALN, na kapag nabistong mayroon silang hindi isinama sa SALN, ang panlaban nila ay 'simple negligence' ito.
◘◘◘
SA SALN MALALAMAN KUNG SINO ANG MGA KURAKOT AT MATINO SA PAMAHALAAN—Nakasaad sa Konstitusyon na ang lahat ng nanunungkulan sa gobyerno ay dapat itala sa SALN ang kanilang kayamanan, sa pamamagitan nito ay malalaman kung nagnanakaw o hindi sa kaban ng bayan ang mga taong-gobyerno.
Halimbawa, kung ang taong-gobyerno sa unang paglilingkod nito sa pamahalaan ay nagtala lang sa kanyang SALN ng isang bahay, kotse at P1 milyong laman ng kanyang bank account, pero makalipas ang ilang taon ay gumarbo ang buhay nito at ng kanyang pamilya, nagkaroon ng sangkaterbang luxury cars, mansyon, resort at daan-daang milyong piso, na hindi niya itinala s SALN, d'yan na papasok ang Ombudsman, iimbestigahan ito at kapag napatunayang mula sa pagnanakaw ay puwede itong bawiin ng gobyerno sa pamamagitan ng forfeiture case.
'Yan ang dahilan kaya inoobliga ang lahat ng taong-gobyerno na yearly ay itala sa SALN ang kanilang ari-arian nang sa gayun ay mabuking ang mga kurakot.
◘◘◘
KAPAG NAPUNTA SA MASA ANG AYUDA AY GOOD NEWS, PERO KAPAG SA BULSA NG MGA BUWAYA, BAD NEWS—Sa 2023 national budget ay may isinama ang pamahalaan na P206 bilyon na pang-ayuda sa mamamayan.
Kung talagang sa masa mapupunta ang ayuda ay good news 'yan, pero kung sa bulsa ng mga buwaya ay bad 'yan!
◘◘◘
DAMING KUWARTA NG MGA TRAPO AT DYNASTY, KAYA HINDI SILA UMAARAY SA TAAS-PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN—Hindi lang mamamayang mula sa masa ang umaaray sa taas-presyo ng mga bilihin at bayarin sa bansa, kundi pati mamamayan sa middle class.
Pero may narinig na ba kayong trapo at pulitiko na galing dynasty ang na umaray sa taas-presyo ng mga bilihin at bayarin? Wala, kasi marami sila kuwarta.





Comments