World champ marathoner Kiptum, patay sa car accident
- BULGAR
- Feb 13, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 13, 2024

Nagluluksa ang mundo ng Athletics sa biglang pagpanaw ni Kelvin Kiptum sa edad na 24, ang may-ari ng World record sa Marathon, bunga ng aksidente sa pagmamaneho sa Kenya kahapon ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Nasawi rin ang kanyang coach Gervais Hakizimina habang malubhang nasugatan ang isa pang kasama na si Sharon Kosgey.
Naitala ni Kiptum ang markang 2:00:35 sa 2023 Chicago Marathon. Mas mabilis ito sa 2:01:09 ng isa pang Kenyan Eliud Kipchoge na naabot noong 2022 Berlin Marathon.
Mabigat na paborito sana si Kiptum na magwagi ng medalya sa Paris 2024 Olympics. Siya rin ang napipisil na susunod dapat sa higanteng yapak ng alamat na si Kipchoge na sa edad na 39 ay baka lalahok na sa kanyang huling Olympics at sisikaping maging unang atleta na magwawagi ng tatlong ginto para sa 42.195 km karera kasunod ang Rio 2016 at Tokyo 2020.
Samantala, gaganapin ang unang yugto ng serye ng tatlong karera ngayong taon, ang MNL City Run: Past Legacy Lane ngayong Marso 17 sa Filinvest City, Alabang. Tampok ang kategoryang 21, 16, 10 at limang kilometro.
Hatid ng Rule & Rich Events Management, bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa Anawim Lay Missions Foundation na may layunin na tulungan ang mga senior citizen, Pagkatapos ng unang yugto ay susundan ito ng “Present Pursuit” sa Hunyo 16 at “Futuristic Frenzy Finale” sa Oktubre 13. Magkakaroon ng 32 km sa Hunyo at 42.195 km sa Oktubre at maaaring idugtong ang mga medalya sa tatlong yugto upang makabuo ng isang malaki.
Kasalukuyang ginaganap ang pagpapalista sa sangay ng Decathlon sa Festival Mall at SM Santa Rosa. May diskuwento ang lalahok na agad sa tatlong karera.








Comments