Women's Booters, wagi vs. Hong Kong sa Asiad
- BULGAR
- Sep 23, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 23, 2023

Laro ngayong Lunes – Wenzhou Sports Center
7:30 PM Timog Korea vs. Pilipinas
Umukit ng makapigil-hiningang 3-1 panalo ang Philippine Women’s Football National Team kontra Hong Kong para sa engrandeng simula ng kampanya sa 19th Asian Games Hangzhou sa Wenzhou Sports Center Biyernes ng gabi. Mga goal nina Sarina Bolden, Quinley Quezada at Katrina Guillou ang susi para patahimikin ang kalaro.
Tabla ang laro sa 1-1, ipinasok ni Quezada ang bola sa ika-89 minuto sa gitna ng kalituhan mula sa masikip na kumpulan sa harap ng goal ng Hong Kong at maagaw ang bentahe. Biglang gumuho ang Hong Kong at isinuko ang pandiin na goal ni Guillou sa ika-91 minuto at kumapit ang Filipinas sa nalalabing apat na minuto.
Maaga pa lang ay naka-goal si Bolden sa penalty kick sa ika-siyam na minuto bunga ng hand ball violation. Biglang ipinantay ni Cheung Wai Ki ang talaan sa ika-39 minuto sa kanyang malupit na sipa mula 17 metro na lumipad patungo sa kanto ng goal at hindi talaga maaabot ni goalkeeper Olivia McDaniel.
Nabuhayan ang Hong Kong at lalong naging palaban. Maraming pagkakataon ang Filipinas subalit may handang sagot ang depensa hanggang dumating ang milagro sa huling mga minuto at bigyan si bagong coach Mark Torcaso ng tagumpay sa kanyang unang opisyal na laro.
Susunod para sa Filipinas ang Timog Korea ngayong Lunes sa parehong palaruan simula 7:30 ng gabi, oras sa Pilipinas. Ang mga Koreana ang nag-uwi ng tanso sa 2018 Asian Games sa Palembang, Indonesia.








Comments