Women's Booters, masusubok ng Hong Kong sa Hangzhou
- BULGAR
- Sep 23, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 22, 2023

Laro ngayong Biyernes – Wenzhou Sports Center
4:00 PM Pilipinas vs. Hong Kong
Maglilikha ng bagong kasaysayan ang philippine women’s football national team sa kanilang pagsabak sa 19th Asian Games Hangzhou ngayong Biyernes laban sa Hong Kong sa Wenzhou Sports Center simula 4 p.m. Inilabas na ng Philippine Football Federation ang opisyal na listahan ng 21 na pinakaunang kinatawan ng bansa sa 33 taon na may Women's Football sa palaro.
Tampok dito ang 14 beterana ng 2023 FIFA Women’s World Cup na sina Sarina Bolden, Hali Long, Quinley Quezada, Sara Eggesvik, Meryll Serrano, Katrina Guillou, Sofia Harrison, Jessika Cowart, Reina Bonta, Jaclyn Sawicki, Anicka Castaneda, Chandler McDaniel, Kiara Fontanilla at Olivia McDaniel. Inakyat ang mga reserba noong World Cup na sina Inna Palacios at Isabella Pasion habang babalik sa pambansang koponan sina Eva Madarang, Camille Rodriguez, Natalie Oca, Kaya Hawkinson at Alisha del Campo.
Ito ang magiging unang pagsubok sa bagong talagang coach Mark Torcaso na pinalitan si Coach Alen Stajcic na hindi pumirma ng bagong kontrata matapos ang World Cup. May paunang listahan na isinumite noong Hulyo sa kalagitnaan ng World Cup subalit kinailangan itong baguhin at may ilang hindi makakasama.
Mabigat na paborito ang Pilipinas sa bisa ng kanilang 4-0 tagumpay sa Hong Kong noong 2024 Paris Olympics Qualifiers Round One noong Abril. Naka-dalawang goal si Bolden at tig-isa sina Serrano at Quezada kasabay ng matibay na depensa ni goalkeeper Olivia McDaniel.
Ang iba pang laro ng Filipinas sa Grupo E ay kontra Timog Korea sa 25 at Myanmar sa 28. Ang mga numero uno ng Grupo A hanggang E at ang tatlong may pinakamataas na kartada sa limang magpapangalawa ay tutuloy sa knockout quarterfinals.








Comments