Conditioning ni Donaire tututukan vs. Tsutsumi
- BULGAR

- 4 minutes ago
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | November 11, 2025

Photo: Nonito Donaire
Maaaring sagana sa arsenal pagdating sa kanyang estilo sa pakikipaglaban si four-division World champion at World Boxing Association (WBA) interim bantamweight titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. – subalit mas kinakailangang pagtutuunan ng pansin ang kanyang kabuuang kondisyon upang makasabay sa mga birada ng mas batang Japanese boxer at undefeated na si Seiya Tsutsumi sa world title fight sa Dis. 17 sa Tokyo, Japan.
Hindi na umano maitatanggi ang kakayahan at kahusayan ng 42-anyos na Filipino-American na nagnanais na maging oldest champion sa 118-pounds, na umaasang makukuha ang lehitimong korona matapos na makamit ang interim belt laban kay Andres Campos ng Chile nitong Hunyo 14 sa Casino Buenos Aires sa Argentina.
Gayunpaman, mula sa paggabay ng kanyang misis na si Rachel Donaire, na minsang naging nominado bilang Trainer of the Year ng World Boxing Council (WBC) noong 2021 matapos mapagwagian ni Nonito ang WBC title belt kontra Nordine Oubaali ng France, mas kinakailangang tutukan umano ang magiging tibay o pagtagal sa pakikipagsabayan ng tubong Talibon, Bohol sa mas bata at agresibong atake ni Tsutsumi
“Nonito Donaire is one of the few boxers who has mastered their style. All we gotta do is keep his conditioning up to prepare him against a fighter, a boxer who wants to put a living legend on his record,” pahayag ni coach Julius Erving “Doc J” Junco sa panayam ng Bulgar Sports patungkol sa kapasidad ng kalabang Hapon, habang nagsasanay sa Omega Boxing Gym sa Mandaue City.








Comments