Search
  • BULGAR

Wizards, Bucks, Knicks at Nuggets, rumesbak

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 6, 2021





Umiwas sa malaking disgrasya ang Washington Wizards at nagpamalas ng tibay ng loob sa huling mga segundo upang ibigay sa bisitang Los Angeles Clippers ang ikatlong sunod na talo, 119-117, sa NBA kahapon sa Capital One Arena. Kasabay nito ang mahalagang tagumpay ng Boston Celtics sa Toronto Raptors, 132-125.


Nagbagsak ng 11 sunod-sunod na puntos ang Wizards upang maagaw ang lamang at lumayo na may 46 segundong nalalabi, 113-106, at nabitin ang huling habol ng Clippers. Anim sa siyam na ginamit na manlalaro si Coach Scott Brooks ay nag-ambag ng 10 o higit na puntos sa pangunguna nina All-Star Bradley Beal na may 33 puntos at Russell Westbrook na may 27 puntos at 11 assist.


Ipinasok ni Jrue Holiday ang dalawang puntos na may dalawang segundong nalalabi para sa makapigil hiningang 112-111 lusot ng Milwaukee Bucks sa Memphis Grizzlies. Nanguna sa Bucks si MVP Giannis Antetokounmpo na may 26 puntos habang 22 puntos si Khris Middleton.


Nanatiling kalahating laro ang agwat ng Boston at ang humahabol na New York Knicks na nagwagi sa kulelat na Detroit Pistons, 114-104. Double-double si All-Star Julius Randle na 27 puntos. Pinadapa ng bisitang Denver Nuggets ang Indiana Pacers, 113-103, sa likod ng 24 puntos ni Michael Porter Jr. Kumuha siya ng tulong kay Jamal Murray na may 23 at All-Star Nikola Jokic na may 20.


Nakakuha rin ng tagumpay ang Miami Heat sa New Orleans Pelicans, 103-93. Namayani sina Jimmy Butler na may 29 puntos at Kelly Olynyk na may 18 puntos. Free throw at depensa sa huling 2 minuto ang susi ng 107-102 pagwagi ng OKC Thunder sa San Antonio Spurs. Namuno sa Thunder si Shai Gilgeous-Alexander na may 33 puntos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.