top of page
Search
  • BULGAR

WISP Plus, bagong programa para sa mga SSS member

@Buti na lang may SSS | April 28, 2024



Buti na lang may SSS


Dear SSS, 

 

Magandang araw! Ako ay isang SS member. Nabalitaan ko kamakailan na mayroong bagong programang inilunsad ang SSS na tinatawag na WISP Plus para sa aming mga miyembro. Ano ba ang programang ito? Salamat. — Lito


 

Mabuting araw sa iyo, Lito! 


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat may iniaalok ang SSS na isang voluntary provident fund program bilang karagdagang paraan ng pag-iipon para sa retirement ng mga miyembro. Ito ay tinatawag na Voluntary Provident Fund Program o tinatawag din na Workers’ Investment and Savings Program (WISP) Plus.


Ito ay isang programa para sa lahat ng miyembro, anuman ang kanilang monthly salary credit (MSC) o bracket na may hindi bababa sa isang kontribusyon at wala pang final claim sa ilalim ng kanilang regular SSS program.


Ang WISP Plus ay isang magandang oportunidad sa mga miyembro upang mapalago ang kanilang pera na magsisilbing karagdagang layer ng social security protection para sa kanilang retirement fund bukod pa sa kanilang regular SS program.


Layuning protektahan ang principal ng mga contribution dito. Ibig sabihin, hindi dapat bababa ang nominal value nito, bagkus ay tataas lamang ito depende sa performance ng SSS investments. Magandang paraan ito para maprotektahan ang pinaghirapang pera ng mga miyembro laban sa inflation.


Kikita ng compounded interest ang mga contribution dito dahil ang investment income na idini-distribute kada taon ay magiging bahagi na rin ng Total Accumulated Account Value (TAAV) ng miyembro na kikita rin ng kaukulang interes.


Lito, kung nais mong magkaroon ng WISP Plus, maaari kang mag-log-in sa iyong My.SSS account sa www.sss.gov.ph, i-click ang “Enroll to Voluntary Provident Fund” na nasa ilalim ng Services tab, at basahin ang terms and conditions ng programa at i-accept ito.


Ang pinakamababang kontribusyon para sa WISP Plus ay nagkakahalaga lamang ng P500 kada payment o bayad. Mababayaran ito sa pamamagitan ng Payment Reference Number (PRN) na kailangang i-generate mo gamit ang iyong My.SSS account.


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon. 


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page