top of page

Water Dog, super-tutok sa future kaya sobrang sipag sa trabaho

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 8, 2020
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 8, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Alalahaning ang Dog o Aso ay nahahati sa limang uri o klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Dog o Bakal na Aso - silang mga isinilang noong 1970 at 2030

  • Water Dog o Tubig na Aso - silang mga isinilang noong 1982

  • Wood Dog o Kahoy na Aso - silang mga isinilang noong 1934 at 1994

  • Fire Dog o Apoy na Aso - silang mga isinilang noong 1946 at 2006

  • Earth Dog o Lupa na Aso - silang mga isinilang noong 1958 at 2018

Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Dog o Bakal na Aso at sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang Water Dog o Tubig na Aso.

Kung ikaw ay isinilang noong 1982, ikaw ay mapasasailalim sa impluwensiya at kapangyarihan ng Water Dog o Tubig na Aso, humigit-kumulang ay ganito ang mga pangunahin mong ugali at magiging sadlakang kapalaran ngayong 2020 hanggang 2021.

Ikaw ay palaging nakatuon sa future at palagi mong iniisip ang magandang kinabukasan ng iyong pamilya. Masikap at masipag kang magtrabaho, kaya malaki ang potensiyal na ikaw ay umunlad at umasenso sa aspetong pangmateryal at pampinansiyal.

Ang hindi lang maganda sa iyong pagkatao, kapag nakararanas ka ng kaunting pagsubok at problema, nauuna sa isip mo ang mga negatibong bagay, kaya hindi ka makapagpatuloy at para bang laging may kaba at takot sa iyong puso. Hindi dapat umiral ang ganitong attitude, sa halip, kapag may nakasagupa kang pagsubok, tulad ngayong may pandemya, dapat maging stepping stone mo ang bawat balakid at pagsubok para sa lalo pang ikauunlad at ikatatagumpay ng iyong buhay. Kapag may pagsubok, ibulong at palaging sabihin sa sarili na, “Ito ay isang daan o paraan ng langit upang lalo pa akong tumapang, umunlad at umasenso, kaya habang may buhay at habang may hininga, magpapatuloy ako!”

Sa ganyang paraan, nakakaya at nagagawa ng isang Tubig na Aso na magpatuloy sa kabila ng mga balakid at pagsubok, mabubuo ang isang matagumpay at maunlad na indibidwal, hindi lamang ngayong 2020 kundi maging sa 2021.

Ang isa pang pangunahing ugali ng Tubig na Aso ay ang pagiging matulungin, at minsan ay inuuna niya pa ang ibang tao kaysa sa kanyang sariling pamilya. Dahil dito, minsan ay minamasama ito ng kanyang pamilya, pero sa totoo lang, ganu’n talaga ang Tubig na Aso, sadyang concern at sensitibo sa hinaing at suliranin ng mga taong inaakala niyang pinagkaitan ng katarungan at sawing palad.

Gayunman, kung matutunan ng Water Dog na sikapin munang paunlarin at pasaganain ang kabuhayan ng kanyang pamilya bago ang labis-labis at sobrang pagtulong sa ibang tao, madaling uunlad, yayaman at mas magiging maligaya ang Tubig na Aso.

Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page