top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Warriors, dumidikit sa liderato; Jazz sa Filipino Heritage Night

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 20, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 20, 2022





Kinuha ng Golden State Warriors ang unang hakbang pabalik sa liderato ng buong NBA sa tagumpay kontra sa bisitang Detroit Pistons, 102-86, kahapon sa Chase Center.


Umangat ang Warriors sa 32-12 at bahagyang lumapit sa numero unong Phoenix Suns na 34-9.


Pinatunayan ni Andrew Wiggins, anak ng dating Ginebra import Mitchell Wiggins, na maaari siyang makilala bilang ang ikatlong “Splash Brother” kasama sina Stephen Curry at Klay Thompson sa 19 puntos. Patuloy ang magandang pagbabalik ni Thompson galing sa 2 year injury at nanguna na may 21 puntos at sinundan ni Curry na may 18.


Umabot ng 34 ang lamang ng Golden State sa third quarter, 73-39, matapos ang magkasunod na buslo nina Thompson at rookie Jonathan Kuminga. Hindi na pinalaro sina Curry at Wiggins sa fourth quarter.


Nanguna sa Pistons si Rodney McGruder na may 19 puntos. Matatandaan na ipinadala ng Detroit si McGruder sa Denver Nuggets noong nakaraang linggo subalit ipinawalang-bisa ng NBA ang transaksyon matapos hindi pumasa sa pagsusuring medikal ang kanyang magiging kapalit na si forward Bol Bol, ang anak ng namayapang dating Warrior na si Manute Bol.


Sa isa pang laro, bumanat ang bisitang Minnesota Timberwolves sa huling minuto upang maagaw ang panalo sa New York Knicks, 112-110. Kinumpleto ni Karl Anthony Towns ang three-point play galing sa foul ni Julius Randle at lumamang na may 29 segundo sa orasan.


May pagkakataon na bumawi si Randle subalit isang free throw lang ang naipasok niya at napilitan bigyan ng foul ni Kemba Walker si Patrick Beverley na isang free throw lang din ang ipinasok at iwanang bukas ang pinto para sa Knicks at 19 segundo ang nalalabi.


Namayani ang depensa ng Minnesota.


Nanguna sa Minnesota si Anthony Edwards na may 21 puntos habang 20 puntos si Towns upang mapantay ang kartada sa 22-22. Pumukol ng limang tres si Fournier para sa 27 at sinundan ni Randle na may 21.


Samantala, aabangan ngayong Huwebes ang Filipino Heritage Night kasabay ng pagbisita ni rookie Jalen Green at Houston Rockets kay Jordan Clarkson at Utah Jazz sa Vivint Arena. Magtatanghal ang Jazz ng mga palabas tampok ang mayaman na kultura ng Pilipinas at kikilalanin ang kontribusyon ng mga Fil-Am sa komunidad.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page