top of page
TALKIES - MAYOR VICO, UMAMING NEVER NAISIP MAG-SHOWBI-IG _vicosotto.jpg

Warrantless arrest para sa vote-buying, target ng Comelec

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 17, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 17, 2023


Tinatarget ng Commission on Elections (Comelec) na pahintulutan ang mga ordinaryong mamamayan na arestuhin ang mga mahuhuli sa aktong bumibili o nagbebenta ng boto sa panahon ng kampanya.


Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maglalabas ang komisyon ng mga bagong guidelines para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na nakatakda sa Oktubre 30.


Paliwanag ni Garcia, pinapayagan ng Konstitusyon ang mga ordinaryong mamamayan at law enforcement na arestuhin ang mga offender na mahuhuli sa akto kahit walang warrant o tinatawag na warrantless arrest.


Sinabi rin ng opisyal na ang batayan ng dating pagbabawal ng pag-aresto noong campaign period ay ang 1985 Omnibus Election Code.


Gayunman, sa ilalim ng 1987 Constitution, giit ni Garcia na pinapayagan ang warrantless arrest sa mga kaso ng flagrante delicto o mahuli sa akto.


Ipinunto pa niya na kung magkakaroon ng kontradiksyon sa pagitan ng umiiral na batas at Konstitusyon, ang Konstitusyon ang susundin.


Bagama’t hindi hinihikayat ng Comelec ang pag-aresto sa isang mamamayan dahil sa matinding tunggalian sa panahon ng BSKE, sinabi ni Garcia ito ay opsyon at isasama nila sa mga tuntunin para sa anti-vote buying campaign na ilulunsad ng Comelec ngayong Agosto.


Ayon naman kay PNP Chief Major General Benjamin Acorda Jr., magiging malaking tulong ang citizen arrest dahil sa limitadong puwersa ng pulisya sa mga partikular na lugar.


Sa nalalapit na eleksyon, hindi na naman maiiwasan ang mangyayaring vote-buying and selling sa mga botante lalo pa’t nakararanas ng hirap ang taumbayan dahil sa sunud-sunod na taas-presyo ng mga bilihin. Pero, maisip sana ng mga kababayan na ang pagbebenta natin ng boto ay kahalintulad na rin ng pagbebenta ng ating pagkatao.


Sa mga kandidatong nagnanais na maluklok, sana ay lumaban kayo ng patas at maging totoo sa sarili kung kayo ay karapat-dapat nga ba sa posisyon.


Maganda ang layunin ito ng kinauukulan na citizen arrest, subalit may kaakibat itong pangamba na posibleng magresulta sa karahasan lalo na at matindi ang tunggalian sa mga lokal na posisyon sa mga Barangay. Paalala lamang sa kanila na tiyakin na magiging maayos at mapayapa ang lahat bago nila ipatupad ang ganitong panuntunan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page