top of page
Search
  • BULGAR

Warden ng Malabon City Jail, sinibak

ni Maeng Santos | June 25, 2023




Inalis na sa puwesto ang warden ng Malabon City Jail matapos magsagawa ng noise barrage at paninira ng mga gamit ang mga persons deprived of liberty (PDLs) makaraang ilipat ang dalawa nilang kasamahan na tumatayong mayores, Biyernes ng hapon.


Sa pahayag ni Chief Insp. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), pansamantalang inalis sa puwesto ang warden na si Supt. Joseph Tacdoy at ipinalit bilang OIC si Chief Insp. Vic Luque habang nagsasagawa ng imbestigasyon.


Ayon naman kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nagsimulang maging marahas ang mga PDLs alas-4:30 ng hapon nang ilabas mula sa pasilidad ang magkapatid na Anthony at Danilo Francisco na kapwa nahaharap sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga at sila ring tumatayo bilang mayores sa mga selda ng grupong “Sputnik”, upang ilipat sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.


Ani Col. Daro, inilipat sa Bicutan ang magkapatid matapos maglabas ng “commitment order” o kautusan ang Malabon City Regional Trial Court sa kanilang paglilipat sa MMDJ na mariing tinutulan ng mga PDL.


Nagtungo naman sa lugar si Mayor Jeannie Sandoval upang alamin ang sitwasyon at gumawa ng kaukulang hakbang para matulungang resolbahin ang problema ng mga PDL.


Napasugod din ang mga kaanak ng mga PDL at si Vice Mayor Bernardo “Ninong” Dela Cruz naman ang tumulong para mapahinahon ang mga PDL at inalam ang kanilang mga hinaing.


Maliban sa hirit na alisin sa puwesto ang warden at lima pang opisyal na nakatalaga sa MCJ, inireklamo rin ng mga PDL ang umano’y hindi makataong pagtrato sa kanila at hindi anila makain maski hayop na iniluluto umanong pagkain para sa kanila.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page