‘War on agri-smuggling’ ni P-BBM, wa’ ‘wenta
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 10, 2023
MAY ‘WAR ON AGRI-SMUGGLING’ NA SI P-BBM, PERO RAKET NG MGA AGRI-SMUGGLERS SA CUSTOMS TULOY PA RIN -- Noong July 4, 2023 ay nagdeklara na ng “war on agri-smuggling” si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) nang ipag-utos niya sa Dept. of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na habulin ang mga agricultural smugglers sa Pilipinas, kaya lang ang masaklap, kahit may ganitong direktiba na ang Presidente ay may impormasyon na tuloy pa rin ang smuggling operations sa Customs ng mga kilalang agri-smugglers na sina "Leah Cruz," "Michael Yang," "David Bangayan," "Gerry at Paul Teves." "Manuel Tan, " "Andrew Chang," "Jun Diamante," "Lujene Ang," "Beverly Peres," "Lucio Lim" alyas "Aaron" at "Michael Ma."
Dahil tuloy pa rin ang kanilang smuggling operations sa Customs, lumalabas ngayon na dinedma lang pala ng mga agri-smugglers ang “war on agri-smugglers” ng Presidente, boom!
◘◘◘
‘WAR ON AGRI-SMUGGLING’ NI P-BBM ‘NINGAS-KUGON’ LANG? -- Ang mga smuggled agri-products ay sa mga pantalan ng Bureau of Customs (BOC) ipinupuslit ng mga agri-smugglers, kaya’t marami talaga ang nagtaka kung bakit ang DOJ at NBI lang ang inutusan ni P-BBM na tumugis sa mga agri-smugglers, at hindi kasama ang Customs sa binigyan niya ng direktiba na labanan ang agri-smuggling sa bansa.
Dahil hindi nga kasama ang Customs sa binigyan ng direktiba na labanan ang agri-smuggling sa ‘Pinas, lumalabas ngayon na parang “ningas-kugon” lang ang “war on agri-smugglers” ni P-BBM, kasi nga, ayon sa mga impormasyon, tuloy pa rin ang raket ng mga agri-smugglers sa mga pantalan ng Customs, period!
◘◘◘
SA PANAHON NINA NOYNOY, DIGONG AT BONGBONG, WALANG NAGLAKAS LOOB NA HUMULI KAY SMUGGLER ‘GERRY TEVES’ -- Sa panahon ni yumaong former Pres. Noynoy Aquino ay ibinulgar ni yumaong dating Sen. Miriam Defensor-Santiago noong March 2015 na “Teves Group” daw ang nagpupuslit ng mga “ukay-ukay” sa Customs. Sa panahon ni ex-Pres. Digong Duterte ay ibinulgar ni dating Senate Pres. Tito Sotto noong April 2022 na isang “Gerry Teves” daw ang numero unong meat smuggler sa bansa. At ngayong panahon ni P-BBM, ibinulgar ni presidential sister, Sen. Imee Marcos noong October 2022 na isang “Gerry Teves” sa mga bigtime agri-smuggler sa ‘Pinas.
Napaka-untouchable naman ni smuggler “Gerry Teves” kasi sa tatlong naging presidente, sa panahon nina Noynoy, Digong at Bongbong, walang naglalakas-loob na dumampot sa kanya, boom!
◘◘◘
MGA LUMANG PANGALANG DISTRICT COLLECTORS, DAPAT PALITAN NA NG MGA BAGONG CUSTOMS OFFICIALS -- Kung desidido talaga si P-BBM na labanan ang smuggling sa bansa, dapat ang isa sa gawin niya ay ilagay na sa floating status ang mga lumang pangalan na laging ginagawang district collector, at palitan sila ng mga bagong pangalan.
Sa tuwing kasi umiinit ang balita patungkol sa smuggling, ang ginagawa ng gobyerno ay pinagpapalit-palit lang ng puwesto ang mga district collector, walang sinisibak sa kanila, kaya ang resulta, ang kalakaran ng smuggling sa mga pantalan, at maging sa mga paliparan ay hindi natitigil, period!





Comments