Walang lockdown pagtapos ng eleksyon, ‘wag puro pramis
ni Ryan Sison - @Boses | May 2, 2022
Bagama't may bahagyang pagtaas ng COVID-19 cases, binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na malabong magka-lockdown ulit pagkatapos ng eleksyon.
Ito ay kung masusunod umano ng publiko ang minimum health standards at kung marami pa ang magpapabakuna ng booster shot.
Gayunman, kung sakaling magla-lockdown, granular lockdown lamang dahil tapos na umano ang pamahalaan sa widespread o malawakang lockdown.
Matatandaang ayon sa OCTA Research Group, nasa .71 ang reproduction number o bilis ng hawahan ngayon, habang .54 naman ang one-week average daily attack rate o bilang ng nagkakasakit sa kada 100,000 populasyon.
Gayunman, wala pa umanong dapat ikabahala dahil mas mababa na sa 200 ang naitatalang bagong COVID-19 cases sa nakalipas na apat na araw. At dahil dito, nananatiling “under control” ang COVID situation sa bansa.
Unang nagbanta ang mga eksperto na posibleng magkaroon ng COVID surge dahil sa mga campaign rally, na itinuturing na super spreader event.
Kung hindi pramis lang na hindi magla-lockdown pagkatapos ng eleksyon, good news ito.
Dahil sa totoo lang, maraming nababahala sa posibilidad na magkaroon ng malawakang lockdown pagkatapos ng halalan.
Sa mga nakalipas na linggo kasi, ‘di na makontrol ang paglabas o paglalakwatsa ng ating mga kababayan. Kani-kanyang gala at attend ng campaign rallies, ang iba naman, nakalimot na sa mga pag-iingat laban sa sakit.
Pero siyempre, hindi tayo dapat umasa lang sa gobyerno. Gaya ng palagi nating paalala, higit na kailangan ang kooperasyon ng taumbayan.
Kaya hangga’t maaari, magpabakuna at magdoble-ingat sa lahat ng pagkakataon, anumang alert level ang umiiral sa ating lugar.
Tulong natin ito, hindi lamang sa ating mga sarili kundi para sa nakararami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments