Walang ibang inaasahan kundi ang pension… Mag-asawa, mananalo ng jackpot sa edad na 71 at 74
- BULGAR
- Sep 2, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | September 2, 2023
Dear Maestro,
Mahirap palang tumanda, at magkaroon ng sari-sariling pamilya ang iyong mga anak.
Wala na kaming ibang inaasahan ngayon, kundi ang maliit na pension at ang binibigay ng aming mga anak at minsan ay wala pa silang maibigay dahil kulang pa sa sarili nilang pamilya ang kanilang sinusuweldo.
68-anyos na ako habang 70 naman ang mister ko, at pareho kaming walang trabaho.
Nahihirapan kami ngayon, lalo na ang mamahal na ng mga bilihin at minsan ay nangungutang na lang kami sa aming mga kapitbahay.
Minsan, napapaisip ako na kung wala ng magpapautang sa amin, paano na kami?
Gusto ko sanang mabago ang buhay namin at magkaroon ng kaunting kaginhawaan.
Mahilig kaming tumaya sa lotto at umaasa rin kami na balang araw ay mananalo rin kami. Ang kaso hindi naman kami tumatama ng malaking halaga.
May pag-asa pa kaya kaming manalo ng jackpot at ano ang suwerte numero na dapat naming alagaan?
Ang birthday ko ay July 13, 1955 habang November 2, 1952 naman ang mister ko.
Umasa,
Ressa ng Cuyambay, Tanay, Rizal
Dear Ressa,
Ayon sa birthday mong July 13, 1955 habang November 2, 1952 naman ang mister mo, kapag nanalo kayo ng malaki o maliit na halaga, magnegosyo kayo ng maliit na tindahan, upang hindi na kayo umaasa pa sa inyong mga anak na may kani-kanya na palang pamilya.
Kung saan, kapag may sarili na kayong tindahan na pinagkakaabalahan, bukod sa kikita na kayo, magkaroon din kayo ng libangan habang naghihintay ng paglubog ng araw.
Paborable sa inyong kapalaran, ang negosyong grocery at bigasan. Mas maganda kung sisimulan n'yo na agad ang nasabing negosyo.
Bukod sa sarili n'yong numero na 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) at 2 naman si mister, ganundin ang destiny number mong nagkataong 4 din, (7+13+1955=1975/ 19+75=94/ 9+4=13/ 1+3=4) ay nagsasabing mapalad kayong mag-asawa sa lahat ng numero na may sumatotal na 1, at 2, gayundin ang mga numerong may 4 at 9 tulad ng mga numerong 1, 4, 19, 22, 31, 40, 45 at iba pang-uri nito. Puwede n'yo ring subukan ang numerong 2, 11, 13, 25, 28, at 43, ganundin ang 4, 15, 28, 31, 33 at 40.
Ito ang suwerte n'yong kulay sa tuwing makikipagsapalaran kayo. Kapag araw ng Linggo, berde; kapag araw ng Lunes, itim; kapag araw ng Sabado, asul; at kapag araw ng Huwebes at Biyernes ay kulay pula.
Sa sandaling nasunod n'yo 'to, madali na kayong mananalo ng jackpot sa anumang uri ng number games.
Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran sa buwan ng Pebrero, Marso, Hunyo, Hulyo at Oktubre hanggang Disyembre, lalo na sa panahong bumubuhos ang malakas na ulan at medyo nagbabaha na ang mga pangunahing kalsada at lansangan sa Metro Manila at sa iba pang mga pangunahing probinsya sa ating bansa.
Dagdag pa rito, upang mas madaling tumama sa anumang uri ng pakikipagsapalaran, maghanap kayo ng lotto outlet na malapit sa mataas na building, ang lotto outlet na 'yun ang magpapatama sa inyo ng jackpot na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2026 sa edad mong 71 pataas at 74 naman si mister.




Comments