Walang forever sa kasinungalingan
- BULGAR
- Jan 23, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 23, 2023
Hindi ko na maalala ang eksaktong araw nang lapitan ako ng isang babae sa Senado upang tanungin kung gusto kong makita ang “sex video” ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Sumagot ako sa babae at binigyan ko ng simpleng sagot ito, “Sorry po, hindi ako interesado”.
Sa mga panahong ‘yun, marami-rami na rin ang mga pagkakataong nakahingi ako ng tulong sa opisyal na nais siraan ng babae. Dahil sa mga pagkakataon ng pakikipagtulungan sa opisyal, unti-unti ko na ring nakilala ang pagkatao nito. Alam ko at nakikita ko ang kanyang pagpapahalaga sa prinsipyo at marangal na paglilingkod bilang lingkod-bayan. Natutuhan kong respetuhin at paniwalaan ang opisyal na ito.
Mabilis ang mga pangyayari. Nagsimula na ang kampanya para sa pambansang halalan ng Mayo 2016. Tumakbo ang mataas na opisyal ng pamahalaan. Tumulong tayo sa kanyang kampanya hanggang sa nanalo ito.
At sa pag-upo ng nahalal na pangulo, nagsimula na rin ang pagkikiskisan ng iba’t ibang puwersa at pangkat ng pulitika sa Senado at sa buong bansa.
Sa kanyang pamumuno bilang Chair ng Senate Committee on Justice, sinimulan ni Senadora Leila De Lima ang pag-iimbestiga sa pagkakasangkot ng dating mayor ng Davao na noo’y presidente na ng Republika, sa umano’y napakaraming paglabag nito sa batas na nagtatanggol sa karapatang pantao at sa pagkakasangkot nito sa mga kaso ng extrajudicial killings o EJK na mas nakilala noon sa salitang ‘Tokhang’.
Hindi nagtagal at nabaliktad ang istorya. Ang nagpapaimbestiga ay inimbestigahan. Ang nagkakaso ay kinasuhan.
Nahinto ang Senate hearing tungkol sa EJK na diumano’y kinasasangkutan ng Pangulo. Natanggal ang Senadora sa komite ng katarungan at nailipat ito sa ibang senador.
Nagsimula ang imbestigasyon sa Kongreso na pinamunuan nina Cong. Rodolfo Fariñas at Cong. Reynaldo Umali. Isinalang ang dating drayber ng Senadora na pinagharap ng testigo laban sa kanya. Pati ang dati ngunit tapos nang ugnayan ng dalawa ay binulatlat at pinagbintangang tumanggap ng pera na galing sa droga para sa kanyang kampanya sa pagka-senadora.
Nagtuluy-tuloy ang imbestigasyon hanggang sa humantong ito sa paghain ng mga kaso sa iba’t ibang korte.
Noong ika-23 ng Pebrero 2017, nakatanggap ako ng pakiusap na samahan ko sa Crame Custodial Unit ang Senadora kung saan siya pansamantalang ipipiit habang naglilitis.
Nagsimula rin akong magmisa linggu-linggo mula Pebrero 2017 hanggang Marso 2020 bago magsimula ang lockdown dahil sa COVID-19.
Nasaksihan ko ang kakaibang katatagan ng pagkatao at pananampalataya ng Senadora. Bagama’t para sa kanya at sa mahal na Inang Bayan ang lingguhang misa, ang lahat mula sa naunang dumating hanggang sa kahuli-hulihang dalaw na dumalo sa misa at nanatili hanggang kainan at kuwentuhan ay nagsasabing, napakalaki ng natututunan nila kay Senadora Leila. Hindi lang dahil bago pa kami dumating ay naniniwala na kami sa integridad ng Senadora kundi, lalong luminaw para sa lahat ang malalim at kamangha-manghang positibong epekto sa kanya ng pagkakakulong.
At sa mga nakaraang buwan, isa-isa nang nagbaliktaran ang mga tumestigo laban sa Senadora at binawi na ang kanilang naunang testigo. “Wala siyang kasalanan. Tinakot, prinessure lang kami upang siraan siya. Hindi siya tumatanggap ng anumang salapi mula sa anumang transaksyon.”
“Tinakot ako at inutusang tumestigo at kung hindi, matakot na ako para sa aking mga mahal sa buhay.”
At noong isang araw lamang, pumutok na sa mga balita ang pag-amin ng mismong babaeng nag-alok na ipakita sa akin ang sex video ng mataas na opisyal. Humingi ng paumanhin ang babae sa Senadora at nagpaliwanag na inutusan lang siya ng mga galit sa kanya na siraan ang Senadora. Pananakot o pera o pareho para siraan at sirain ang iyong kalaban.
“Kaya ko ginawa ito ay dahil inutusan akong magbigay ng ebidensya laban kay Senadora Leila noong hearing sa Kongreso at Senado.” At idinagdag pa ni Sandra Cam, “Lakasan mo ang loob mo. Manalig ka sa Diyos. Magtiyaga at magtiwala ka. Malapit ka nang lumabas.”
Napakalinaw ng katotohanang walang kasalanan at wala talagang anumang kaso ang Senadora. Wala nang tumetestigo laban sa kanya. At ang isa sa pinakaunang naglabas ng pekeng ebidensya laban sa Senadora ay umatras at umamin na ring ginamit siya.
Tama… totoo… anumang hirap at panganib ay malalampasan ng mga umaasa at nagtitiwala sa katotohanan. Opo, totoong-totoo, maghintay ka lamang at ang anumang kasinungalingan at pagbabaliktad at pagbabaluktot ng katotohanan ay hindi magtatagal. Tunay na tunay na palalayain ka, tayong lahat ng katotohanan. (Juan 8:32)




Comments