top of page
Search
  • BULGAR

Walang bakuna, walang MGCQ, dapat wala ring pasaway!

@Editorial | February 24, 2021



Suportado ng karamihan ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban na muna ang pagsasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) sa buong bansa para sa buwan ng Marso.


Kung saan, nais munang makita ng Pangulo ang resulta ng pagbabakuna kontra COVID-19 bago muling pag-aralan ang pagsasailalim ng bansa sa MGCQ.


Sa ngayon, tulung-tulong muna ang mga economic managers kung ano ang dapat pang gawin para maisalba ang ekonomiya o kung anu-ano pang mga sektor ng negosyo ang puwedeng buksan kahit na nasa ilalim pa rin ng GCQ ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.


Kapansin-pansin ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng mga nagpopositibo sa virus at nadaragdagan din ang mga namamatay.


Kumbaga, hindi ito ang panahon para kumalma kahit pa sabihing parating na ang mga bakuna. Sa halip, mas dapat maging maingat at disiplinado. Hindi ‘yung feeling safe palagi at dedma na sa mga health protocols. Simpleng pagsusuot ng face mask, kailangan pang iutos?


Ganundin ang paggala kung saan-sana, nagkalat ang mga mahilig mag-party at tumambay sa mga lansangan. Hindi na nga nakakatulong, perhuwisyo pa.


Kaya para hindi masayang ang lahat ng sakripisyo lalo na ng mga health workers, sampolan nang matindi ang mga pasaway. Alam naman natin na marami nang ordinansa ang binuo laban sa mga matitigas ang ulo sa gitna ng pandemya, ipatupad natin ito nang seryoso.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page