Super El Niño, kaligtasan ng mga manggagawa ang dapat unahin

by Info @Editorial | October 14, 2026

Habang nagbabanta ang matinding init dulot ng Super El Niño, naghahanda ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglabas ng labor advisory.
Pero hanggang kailan magiging sapat ang mga paalala kung araw-araw namang nalalagay sa panganib ang kalusugan at buhay ng mga manggagawa?
Hindi biro ang magtrabaho sa ilalim ng tirik na araw. Ang mga construction worker, delivery rider, magsasaka, street vendor, at iba pang manggagawa ay hindi maaaring basta tumigil dahil nakasalalay sa bawat araw ng trabaho ang kanilang kabuhayan.
Dapat tiyakin ng DOLE na may sapat na pahinga, malinis na inuming tubig, maayos na bentilasyon, at ligtas na kondisyon sa trabaho. Kailangang may mahigpit na inspeksyon at pananagutan ang mga kumpanyang sadyang binabalewala ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado.
Hindi dapat mamili ang manggagawa sa pagitan ng sahod at sariling buhay. Kung seryoso ang pamahalaan sa pagprotekta sa mga manggagawa, dapat may kasunod na konkretong aksyon ang bawat advisory. Dahil ang karapatan sa ligtas na trabaho ay hindi pabor mula sa employer—obligasyon ito.



Comments