top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Walang bagyo... Baha, lagpas-tao

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 minutes ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | August 9, 2026



Baha sa bagyo at habagat - PCG

Photo: PCG



Bagama't wala nang bagyo, nagdulot pa rin ng matinding pagbaha at banta ng pagguho ng lupa ang walang tigil na pag-uulan dulot ng southwest monsoon o habagat sa ilang bahagi ng Quezon City, Cavite at Zambales nitong Sabado, dahilan upang magsagawa ng preemptive evacuation.


Sa Quezon City, umabot sa mapanganib na antas ang baha sa ilang mabababang lugar, lalo na ang mga komunidad na malapit sa ilog.


Sa Brgy. Tatalon, umabot sa lagpas-tao o halos hanggang ulo ang baha sa kahabaan ng E. Rodriguez malapit sa ilog.


Hanggang baywang naman ang taas ng baha sa West Riverside at Valencia St. sa Brgy. Del Monte, gayundin sa Kapiligan St. at iba pang panloob na lugar sa tabing-ilog sa Brgy. Doña Imelda.


Sa kasalukuyan, nasa 12 na pamilya o 35 indibidwal na ang inilikas at namamahagi sa evacuation sites sa Lungsod.



Kalahati ng bahay na ito ang natabunan ng lupa sa nangyaring landslide sa Tabacuhan Road, Barangay Sta. Rita, Olongapo City sa kasagsagan ng walang tigil na pagbuhos ng ulan bunsod ng habagat. (Jeff Tumbado)

Photo: Kalahati ng bahay na ito ang natabunan ng lupa sa nangyaring landslide sa Tabacuhan Road, Barangay Sta. Rita, Olongapo City sa kasagsagan ng walang tigil na pagbuhos ng ulan bunsod ng habagat. (Jeff Tumbado)



Samantala, umabot din sa baywang ang baha sa ilang lugar sa Cavite tulad ng Kawit (kung saan halos lahat ng barangay ay apektado), Bacoor (Brgy. Niog), at Imus (Pagasa 3 at Medicion 2) dahil sa walang tigil na pag-ulan.


Sa San Marcelino, Zambales, umapaw ang Sta. Fe River na nagdulot ng pag-agos ng tubig sa isang tulay kaya umabot ng halos hanggang bubong ang tubig-baha sa isang eskwelahan.


Nauna nang nailigtas ang nasa pitong pamilya o 23 indibidwal na na-stranded sa hanggang baywang na baha sa Sitio Tagor, Brgy. Malabon, Candelaria, Zambales.

Samantala, pitong pamilya o kabuuang 23 indibidwal ang isinailalim sa preemptive evacuation mula sa Brgy. Balaybay sa Castillejos, Zambales dahil sa banta ng pagguho ng lupa.


Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Rolex Estella, inilikas ang mga residente bilang pag-iingat.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page