'Wag puro noontime shows ang dapat isipin, isipin din ang pangakong napako ni Marcos
- BULGAR
- Jul 3, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 3, 2023
SANA HINDI LANG MGA NOONTIME SHOWS ANG ISIPIN NG MAMAMAYAN, ISIPIN DIN SANA NA ANG PROMISE NI P-BBM NA MAGING P20 PER KILO NG BIGAS HINDI PA RIN NATUTUPAD -- Naguguluhan ang isip ng mga mamamayan kung anong noontime show (Showtime sa GTV, E.A.T. sa TV 5 at Eat Bulaga sa GMA 7) ang kanilang panonoorin.
Sana ay isipin din ng mga followers ng mga noontime show na ito na hanggang ngayon, 'yung mga ipinangako ni Pres. Bongbong Marcos last 2022 presidential elections ay hindi pa rin natutupad. Mga pangakong napako tulad na lang ng bigas na kanilang isinasaing, na hindi pa rin P20 ang per kilo, period!
◘◘◘
MGA RE-ELECTIONIST SENATORS NA BUMOTO PABOR SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND, HUWAG IBOTO SA 2025 MIDTERM ELECTION -- Next year, sa buwan ng October ay filing na uli ng mga kakandidato sa midterm elections.
Dapat, ‘yung mga re-electionist senators na bumoto pabor sa P500 billion Maharlika Investment Fund (MIF) ay ibasura ng mga botante kasi pumayag sila na isugal ng Marcos admin sa investment ‘yung mga pension funds ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS), healthcare funds sa PhilHealth at housing funds ng Pag-IBIG.
Ang pagboto kasi ng mga re-electionist senators na pabor sa MIF ay pagpapakita na wala silang malasakit sa pera ng mamamayan, boom!
◘◘◘
PARA BA KAY EX-P-DUTERTE, GOOD ANG MATAAS NA PRESYO NG BILIHIN, BAYARIN, TOLL FEE SA NLEX AT DAGDAG-PASAHE SA LRT AT MRT? --Nagpalabas ng statement si ex-P-Duterte na "good" daw ang unang taon sa tungkulin ni P-BBM bilang lider ng bansa.
Ganu’n? Eh para ba kay ex-P-Duterte good ang mataas na presyo ng mga bilihin, bayarin, dagdag-bayad sa NLEX, at ang nagbabadya pang taas-pasahe sa LRT 1, LRT 2 at MRT, tsk!
◘◘◘
DADAMI ANG MGA SUGAROL AT ADIK SA BATANGAS DAHIL SA RAKET NI 'ALING TESSIE' -- Magdamagan daw ang operasyon ng mga color games at drop balls ni "Aling Tessie" sa Batangas, at kaya raw matibay sa antok ang mga nagsusugal dito ay dahil may nagbebenta rin daw ng shabu sa mga lugar ng mga pasugalang ito sa Batangas.
Aba’y dapat nang tokhangin nina PNP-Region 4-A Director, Gen. Carlito Gaces at Batangas PNP Director, Col. Reniero de Chavez si "Aling Tessie" kasi kung wala silang gagawing aksyon dito ay baka dumami sa Batangas ang sugarol na, adik pa, boom!





Comments