top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

‘Wag puro imbestiga sa PhilHealth, nakakahiya naman kung walang makukulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 9, 2020
  • 2 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 9, 2020



Sa kabila ng kontrobersiyang kinakaharap ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, hinihimok pa rin natin ang ahensiya na siguraduhin ang patuloy na pagbibigay ng serbisyo sa mga Pilipino, lalo na sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law. Karapatan ng bawat Pilipino ang makinabang sa lahat ng mga serbisyong hatid ng batas na ito. Hindi lang naman COVID-19 ang covered ng PhilHealth.

Ang walang katapusang korupsiyon ay para ring pandemya.

Dapat maibalik ang tiwala ng taumbayan sa PhilHealth at siguraduhing ang pondo ay magagamit ng tama para mabigyan ng maayos na serbisyo ang mga Pilipino, lalo na pagdating sa kalusugan. Mangyayari lamang ito kapag nalaman natin kung sino ang mga nasa likod ng korupsiyon sa ahensiya para mapanagot sila. Kung ano ang nanakaw, dapat maibalik para mapakinabangan ng taumbayan ang pera ng bayan.

Gusto ng buong sambayanang Pilipino na malaman ang katotohanan at matumbok kung sino ang may kasalanan. Nakakahiya na puro lang tayo imbestiga, pero wala namang makukulong.

Alamin natin kung sinu-sino ang mga nagkasala. Tuluyan ang dapat tuluyan. Kasuhan ang dapat kasuhan.

Maging ordinaryong Pilipino, interesadong malaman ang katotohanan, lalo na sa panahong ito na kailangan nilang may matatakbuhang PhilHealth. Ayaw nating dumating ang panahon na tinatanggihan ang mga pasyenteng nangangailangan dahil wala nang pera ang PhilHealth kasi naubos na sa korupsiyon.

Pero paalala rin lang: Balanse at patas dapat — respetuhin natin ang karapatan ng bawat tao na mabigyan ng pagkakataong protektahan at linisin ang kanilang pangalan, para rin malaman ng taumbayan kung ano talaga ang katotohanan.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page