top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

‘Wag nang palalain, PNP, kilos na sa pagsugpo ng krimen

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 28, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 28, 2023

“To serve and protect”, ang sagradong mandato para sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).


Subalit, tila nalilimutan ng ating kapulisan ang tunay na kahulugan nito sa dahilang sunud-sunod ang mga nagaganap na krimen sa iba’t ibang lugar sa bansa.


Ito ang naging pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kung saan nagpatawag na ito ng emergency meeting kasama ang PNP at Department of Interior and Local Government (DILG) para pag-usapan ang nakababahalang pagtaas ng mga high-profile crimes na aniya, halos nangyayari linggu-linggo na naire-report na may napapatay sa mga kalye.


Ayon kay Romualdez, nais niyang alamin sa PNP at DILG, kung ano ang kanilang ginagawang hakbang para mapigilan ang mga ganitong uri ng karumal-dumal na krimen. Gayundin, kung saan nagkakaroon ng problema, mula ba ito sa intelligence dahil aniya, handa ang Kongreso na tumulong sa paglutas sa lumalalang kriminalidad sa bansa.


Matatandaan na may mga pulitiko nang inambush kabilang ang isang mayor sa Maguindanao na lubhang nasugatan sa Pasay City. Isa pang insidente na nangyari nito lamang Pebrero, na binaril at napatay sa ambush ang bise alkalde ng Aparri, Cagayan.


Masuwerte namang nakaligtas si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong sa Maguindanao, subalit napatay ang apat niyang police escorts sa ambush.


May ulat ding isang barangay chairman ang nasawi matapos na pagbabarilin sa Lipa City, Batangas.


Bukod sa mga pulitiko, marami pang mga naiuulat na krimen na nagaganap ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa.


Ang lumalalang insidente ng patayan sa bansa ay lubhang nakababahala. Nagdudulot ito ng takot sa marami dahil kung titingnan, napakadali na lamang para sa isang indibidwal na kumitil ng buhay ng kanyang kapwa.


Habang patuloy ang iba sa ganitong uri ng masamang gawain, tila walang awtoridad na maaaring hingan ng tulong kahit nasa bingit na ng kamatayan.


Nasaan na ba talaga ang ating kapulisan na siyang dapat sanang nagpoprotekta sa taumbayan?


Marahil, kailangan n’yo nang kumilos at gawin ang inyong tungkuling sinumpaan na magseserbisyo at poprotektahan ang mga mamamayan laban sa anumang krimen.


Kayo na mas sinanay sa pagsugpo sa mga masasamang gawain ay dapat na itong panindigan.


‘Wag niyo sanang hayaan na umabot sa puntong mas dumami pa ang mga masasawi na walang kalaban-laban dahil baka sa susunod, mga mahal niyo na sa buhay ang inyong paglalamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page