Wa’ work at dyowa kaya feeling malas, dapat baguhin ang pirma para suwertehin
- BULGAR
- Dec 16, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 16, 2021

KATANUNGAN
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil palagi akong bigo sa pag-ibig at hanapbuhay. Napapansin ko ring tila maramot sa akin ang kapalaran dahil nagka-boyfriend na ako noon tapos naghiwalay din kami. Mula noon, parang may sumpa dahil hindi na ulit ako nagka-boyfriend at kahit nagkatrabaho ako, maliit ang suweldo at kulang pa sa pamasahe at pagkain, kaya umalis din ako.
Ngayon, wala akong boyfriend at trabaho, kaya bored na bored ako sa bahay at palagi pang sinasabihan ng nanay ko na maghanap ako ng trabaho dahil hindi pa raw nagsisimula ang pandemya ay palamunin na niya ako. Nang minsan akong nag-apply, hindi rin ako natanggap at hindi ko naman alam ang dahilan kung bakit ayaw nila sa akin.
Maestro, ano ba ang dapat kong gawin at kailan ba “sisikat ang araw” sa aking kapalaran? Sa pagkakaalam ko, ako ay Taong Uno at sabi n’yo noon, mapalad ang mga taong isinilang sa impluwensiya ng Sun.
KASAGUTAN
Noong unang araw mo sa mundo o noong iniluwal ka ng nanay mo sa eksaktong petsang August 13, 1997, hindi ba’t tuwang-tuwa ang mga magulang mo? Alalahaning isang magandang sanggol ang isinilang, nakatapos ng pag-aaral at naka-gradweyt ng college. Hindi ba’t noong tinanggap mo ang iyong diploma ay tuwang-tuwa ulit ang mga magulang mo at pati ikaw?
Ang mga aktuwal na tala na binanggit ay larawan lamang na hindi madamot ang kapalaran – dahil ikaw mismo at ang iyong mga accomplishment ay buhay na sukli at handog sa mga magulang mo ng kapalaran. Kaya kung hindi ka makakatagpo ng magandang trabaho at masayang pakikipagrelasyon, lumalabas na ikaw mismo ang nanloloko o nagpapahina sa magagandang kapalarang nasa iyo na sa kasalukuyan.
Nar’yan ka, buhay ka, malakas ka, maganda at nakatapos ng pag-aaral, wala ka namang sakit o kapansanan, kaya gamitin mo ang nasabing mga talento upang ikaw ay lumigaya at magtagumpay at ito ay dapat mong gamitin ngayon na.
Ang birth date mo kasing 13 ay magulo at minsan ay sobrang layo sa katotohanan ng mga iniisip mo. Kaya sa simula pa lang ng pagtatangka ay nabibigo ka agad, na madali namang kinumpirma ng very sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na mayaman ka sa imahinasyon at ideya, pero kulang ka sa pagkilos at praktikal na pagpapasya, kaya sa tuwing may gagawin ka, mas madalas na nabibigo ka kaysa sa nagtatagumpay.
Subalit kung magbabasa ka ng mga positive thinking na libro o mga librong may temang kinukumbinsi ang readers na siya ay magaling at may malaking potensiyal, kapag binasa mo nang binasa ang mga ganu’ng aklat, kasabay ng bahagyang inobasyon sa iyong lagda, na sobrang dami at malalaki ang bilog sa itaas na bahagi sa partikular ng letrang “A” at “t”, alisin mo ang nasabing bilog, sa halip simpleng “A”, habang ang “t” ay lagyan ng mahabang krokes sa tuktok. Kapag nagawa mo ‘yan, makikita mo na unti-unti nang magbabago ang iyong kapalaran, kusa kang magiging praktikal, tatalas ang iyong isip na kumilos imbes na mangarap, at mag-isip ng mga simple at nasa reyalidad na diskarte. Sa ganyang paraan, walang duda na magkakaroon ka na ng regular na trabaho at kasabay nito, isang lalaking kayumanggi ang kulay ng balat ang biglang susulpot, liligawan ka niya hanggang sa tuluyan mo siyang maging boyfriend.
DAPAT GAWIN
Ang nasabing positibong pagtaya sa itaas, ayon sa iyong mga datos, Alelie, ay magsisimulang maganap sa susunod na taong 2022. Sa buwan ng Marso at sa edad mong 25 pataas – magkakaroon ka na ng regular na trabaho sa isang kumpanyang may kaugnayan sa social media. Sa nasabing kumpanya, roon mo makikilala ang lalaking isinilang sa zodiac sign na Sagittarius, na siyang magiging tapat mong boyfriend hanggang sa tuluyang mapangasawa (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).




Comments