top of page

Wa’ masama sa Maharlika Fund, basta ‘wag pakialaman ang pondo ng SSS AT GSIS

  • BULGAR
  • Dec 17, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | December 17, 2022


Isa nang priority bill ang Maharlika Fund.


Inalis na sa naturang pondo ang kontribusyon ng GSIS at SSS members.


Malaking tama!


◘◘◘


HINDI tayo tutol sa Maharlika Fund, ang tangi lang nating tinutulan ay paggamit ng pension fund.


At malinaw na nakinig ang Malacañang at Kongreso.


Maraming salamat!


◘◘◘


SA totoo lang, dapat isama sa Maharlika Fund ang ilang porsyento sa sin tax at iba pang katulad nito.


Maaari rin gumawa ng batas na nagpapataw ng malaking buwis sa “idle land”—o mga nakatiwangwang na lupain.


Matagal nating binabanggit ito, pero bakit walang gumagawa ng panukalang batas?


◘◘◘


ANG “idle land tax” ay buwis—hindi sa mga ordinaryong tao, bagkus ay buwis ito sa malalaking korporasyon at multi-bilyunaryo na namamakyaw ng lupain—pero hindi naman idine-develop.


Ibig sabihin, mapupuwersa ang mga korporasyon at bilyunaryo na bungkalin o i-develop ang mga pag-aari nilang ekta-ektaryang lupain upang hindi mapatawan ng “idle land tax”.


◘◘◘


INDIRECT at directly, mapasisigla ng “idle land tax” ang agrikultura at industriya, kung saan magkakaroon ng trabaho ang mga magsasaka, manggagawa at sisigla rin ang maliliit na negosyo na naka-wing o nakadikit sa “land development industry”.


Bakit hindi ito isinusulong, nais ba nilang proteksyunan ang mga bilyunaryo?


◘◘◘


ISANG dahilan din kung bakit pabor sa Maharlika Fund, dahil puwedeng magkusa ang Pamilya Marcos na i-donate na lamang sa Maharlika Fund ang mga “pinag-aagawan sa korte” na kayamanan, pero pinakikinabangan lamang ng mga bangkong dayuhan.


Isang lehitimong iskema ang Maharlika Fund upang matapos na rin ang isyu sa “Marcos Wealth” na siyang magsisilbing paglalagakan ng mga kontrobersyal na pondong hindi matukoy kung kailan mareresolba.


Panahon na para pakinabangan ng Republika ito sa “panahon ng krisis”.


◘◘◘


IPAGDASAL nating magkasundo ang gobyerno ng Republika ng Pilipinas at Pamilya Marcos nang may basbas ng hukuman na ilagak o ipasok na lamang sa Maharlika Fund—ang kontrobersyal na kayamanang—nakalagak sa mga bangko sa ibang bansa at maging sa Pilipinas.


Sa ngayon, pribadong bangko lamang at abogado ang nakikinabang sa mga naturang pondo.


◘◘◘


DAPAT hingin o makakuha ng opinyon o payo mula sa mga mahistrado kung paanong lehitimong maipasok sa Maharlika Fund ang pinag-aagawang “kayamanan” upang maisarado na ang naturang isyu at kaso—nang lehitimo at walang nilalabag na batas.


Ngayon na ang angkop at tumpak na panahon para maareglo ito sa lalong madaling panahon.


Mali o tama?



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page