VP Sara at Sen. Imee, ‘pag nag-tandem, sure na lampaso ang kalaban
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 17, 2024
WALANG MAKAKAPIGIL KAY SEN. IMEE KAPAG MAY NAKITA SIYANG MALING GINAWA ANG MGA KONGRESISTA, KASI SIGURADONG TATALAKAN NIYA ANG KONGRESO -- Nagkasundo na sina Senate President Migz Zubiri at House Speaker Martin Romualdez na iwasan na ang bangayan ng mga senador at kongresista.
Maaari na ang ibang senador at mga kongresista ay tumugon sa napagkasunduan nina Zubiri at Romualdez na iwasan na ang bangayan, pero si Sen. Imee Marcos ay hindi nila kayang patahimikin ‘yan kasi kapag may nakita o nalamang maling ginawa ang mga kongresista, siguradong tatalakan niya ang Kongreso, period!
◘◘◘
SA RAMI NG MGA DDS AT MARCOS LOYALISTS, KAPAG NAG-TANDEM SINA VP SARA DUTERTE-IMEE MARCOS, TIYAK MILYA-MILYA ANG MAGIGING LAMANG NILA SA KALABAN SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Ayon kay political analyst Ronald Llamas, base sa nakikita niyang magandang samahan nina Vice President Sara Duterte-Carpio at Sen. Imee Marcos ay malaki raw ang posibilidad na mag-tandem ang dalawa sa 2028 presidential election, na si VP Sara for president at si Sen. Imee for VP.
Kapag nagkatotoo ang sinabing ‘yan ni Llamas, eh sa rami ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) at Marcos loyalists ay tiyak milya-milya ang magiging lamang nila sa mga makakatunggali nila sa 2028 presidential election tulad sa nangyari nitong nakaraang 2022 presidential election na higit 16 million votes ang inilamang ng Marcos-Duterte tandem sa Leni Robredo-Kiko Pangilinan tandem, boom!
◘◘◘
MGA E-BIKE AT E-TRIKE NA GAMIT SA HATID-SUNDO SA MGA BATA SA ISKUL AT PAMAMALENGKE, GUSTO PANG PAGKAKITAAN NG PAMAHALAAN -- Iminungkahi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na irehistro ang mga e-bike at e-trike, at pakuhanin ng driver’s license ang mga nagmamaneho ng mga ganitong uri ng sasakyan.
Kapag sinunod ng LTO ang mungkahi ng MMDA ay tiyak malaking gastos ‘yan sa mga may-ari ng mga e-bike at e-trike at panibagong pahirap na naman ‘yan.
Hay naku, pati ba naman mga e-bike at e-trike na ginagamit sa hatid-sundo sa mga batang mag-aaral at pamamalengke, gusto pa atang pagkakitaan ng pamahalaan, tsk!
◘◘◘
KAPAG IPINAREHISTRO ANG MGA E-BIKE AT E-TRIKE, AT PINAKUHA NG LISENSYA ANG MGA DRIVER NITO, DAPAT RUMESBAK ANG MGA E-VEHICLE OWNERS, IBASURA NILA SA ELEKSYON ANG MGA KANDIDATO NI P-BBM -- Sa ngayon ay milyun-milyong Pinoy na ang nagmamay-ari ng mga e-bike at e-trike.
At sakaling ipatupad ng LTO ang pagpaparehistro sa mga ganitong uri ng sasakyan at oobligahin pang kumuha ng lisensya ang mga nagmamaneho nito (e-bike at e-trike), eh ang dapat gawin ng mga e-bike at e-trike owners ay ibasura sa eleksyon ang mga kandidato ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa pagka-senador sa 2025 election, period!





Comments