Vloggers na nagpo-promote ng online illegal gambling, kasuhan
- BULGAR
- May 1, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 1, 2023
DAPAT LANG NA SAMPAHAN NG KASO ANG MGA VLOGGERS NA GUMAGAWA NG ‘KIDNAP PRANK’ PARA ‘DI NA SILA PAMARISAN—Tama ang naging desisyon ng kapulisan na sampahan ng kasong ‘alarm and scandal’ at paglabag sa Cybercrime Prevention Act ang mga vloggers na sina Mark Lester San Rafael, Mark Hiroshi San Rafael at Eleazar Fuentes tungkol sa isinagawa nilang mapanganib na ‘kidnap prank’ upang hindi na sila pamarisan ng ibang vloggers.
Nang isagawa kasi ng tatlong vloggers ang naturang prank sa isang lugar, nasa area si P/Sgt. Ronnie Conmigo at akala’y totoong may kinikidnap kaya agad na binunot ng pulis ang kanyang baril at itinutok sa mga vloggers, ngunit kung hindi agad nagpakilala ang mga vloggers at sinabing prank lang ang ginagawa, baka pinagbabaril na sila ng parak.
Eh, kung napatay sila ng pulis, kawawa naman ang parak dahil tiyak na makakasuhan ito ng multiple murder dahil sa ginawa nilang kabalbalang ‘kidnap prank,’ tsk!
◘◘◘
MAHIGPIT NA BATAS LABAN SA MGA VLOGGERS ANG DAPAT GAWIN NG MGA SEN. AT CONG.—Sana gumawa ng mahigpit na batas ang mga senador at kongresista na ipagbawal na ang paggawa ng mga content na may kinalaman sa crime at mga pananakot na prank.
Bukod kasi sa ‘kidnap prank,’ may mga vloggers na gumagawa ng content na tatabihan at aaligiran ang isang tao na tila may gagawing masama, habang ‘yung iba ay nanunutok pa ng laruang baril.
Dapat nang matigil ang mga ganitong uri ng prank dahil kung hindi, baka humantong ito sa kapahamakan, period!
◘◘◘
MGA VLOGGERS NA NAGPO-PROMOTE NG ONLINE ILLEGAL GAMBLING, DAPAT SAMPAHAN DIN NG KASO—Sa totoo lang, masyado nang inaabuso ng mga vloggers ang kasikatan nila sa social media.
Bukod kasi sa paggawa ng mga crime at mga pananakot na prank, may mga vloggers din na nanghihikayat sa kanilang mga followers na magsugal o tumaya sa mga online illegal gambling tulad ng ‘PhlWin’ at ‘PhiLucky.’
Labag sa batas ang illegal gambling, kaya dapat sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 ang mga vloggers dahil sa mga online illegal gambling at hinihikayat na tumaya ang kanilang mga followers, period!
◘◘◘
PD. COL. RANDY SILVIO, ‘NGANGA’ SA MGA NANGRARAKET SA LAGUNA—Hindi lang daw si ‘Aling Tessie’ ang may pa-color games at drop balls sa jurisdiction ni Laguna Police Director, Col. Randy Silvio dahil may ganitong uri na rin daw ng illegal gambling sa lalawigan si ‘Troy.’
Kung ang pasugalan ni ‘Aling Tessie’ ay namamayagpag sa Bgy. Niugan, Cabuyao City, namamayagpag na rin daw ngayon ang ganitong uri ng illegal gambling ni ‘Troy’ sa Bgy. Dila, Sta. Rosa City.
Kung ganyan na ‘nganga’ lang si Col. Silvio sa mga nangraraket sa kanyang jurisdiction, asahan nang madaradagan pa ang mga manraraket sa mga residente sa Laguna, boom!




Comments