Vloggers, dapat mabuting ehemplo, ‘wag pasimuno ng kalokohan!
- BULGAR
- Jan 22, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 22, 2023
Nauwi sa pang-aaresto ang “emergency” prank ng magkapatid na vlogger sa isang gas station sa Davao de Oro.
Makikita sa vlog ang pagdating ng isang lalaki habang kinukuhanan ito ng video ng kanyang kasamahan. Bumili ito ng gasolina sa halagang P10 at inilagay sa plastic bottle, saka pinalitan ng boteng nakatago sa kanyang likuran. Ininom ng lalaki ang laman ng dala nitong bote na kunwaring gasolina at sadyang ipinakita sa mga empleyado ng gasolinahan.
Ilang saglit pa, umarte ang lalaki na tila nalalason at napaupo, bagay na nagdulot ng pagkaalarma sa mga tauhan ng gasolinahan, kaya agad na tumawag ng tulong ang mga ito sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nang sisimulan na ang first aid, ibinunyag ng mga vlogger na ang akto ay prank lamang. Dahil dito, ang dalawang suspek ay agad na dinakip ng mga awtoridad.
Base sa Revised Penal Code, posible silang maharap sa Alarm and Scandal at pagmultahin nang aabot sa P40,000.
Samantala, nakiusap ang mga suspek na huwag silang ikulong, kaya binigyang-babala na lamang ito at inutusang mag-public apology, na kanila namang ginawa. Personal ding pumunta ang magkapatid sa tanggapan ng MDRRMO para humingi ng paumanhin.
Sa totoo lang, hindi nakakatuwa ang mga ganitong uri ng prank dahil bukod sa nasasayang ang oras ng emergency response team ay nagdudulot pa ito ng takot sa publiko.
Gayunman, umaasa tayo na magsisilbi itong paalala at babala sa mga vlogger na ilugar ang mga biro at tiyaking wala kayong napeperwisyo sa paggawa ng videos.
Higit sa lahat, dapat ay magsilbi kayong mabuting ehemplo at iwasang maging pasimuno ng mga ganitong kalokohan.
Panawagan naman natin sa mga kinauukulan, tiyaking napaparusahan ang mga gumagawa ng perwisyo. Kung kailangan silang patawan ng mabigat na parusa ay gawin na para hindi umulit at hindi tularan ng iba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments