Vietnam vs. Filipinas sa Asean Football semifinals
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 15, 2022

Magtutuos ang defending champion Vietnam at host Pilipinas ngayong Biyernes sa semifinals ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship ngayon sa Rizal Memorial Stadium simula 8 p.m. Sa kabilang semifinal, maghahamunan ang Thailand at Myanmar sa 4 p.m.
Itinatakda ng Vietnam ang pagkikita nila sa mga Filipinas matapos maging numero uno sa Grupo B sa bisa ng 6-0 tambak sa Myanmar noong Miyerkules ng gabi sa Rizal Memorial. Ipinamalas ng Vietnam ang kalidad na may perpektong 12 puntos mula sa apat na panalo at hindi namigay kahit minsan ng goal.
Tiyak na determinadong patunayan ng Pilipinas at Vietnam na karapat-dapat ang kanilang sabay na pagpasok sa 2023 FIFA Women’s Cup sa Australia at New Zealand.
Para sa Filipinas, huhugot sila ng lakas mula sa mga tagahanga na inaasahan na pupunuin ang 13,000 upuan sa palaruan.
Kahit bigo, nagtapos na pangalawa ang Myanmar sa Grupo B na may 9 na puntos muli sa tatlong panalo at isang talo. Dahil dito, natapat sila sa mga Thai na inagaw ang numero unong puwesto sa Grupo A matapos pabagsakin ang Filipinas noong Martes, 1-0, at itapal ang una nilang talo sa torneo.
Malaking bagay para sa mga Pinay ang tatlong araw na pahinga. Malaking papel ang gagampanan nina Sarina Bolden na may limang goal, kapitana Tahnai Annis, Sara Eggesvik, Anicka Castaneda, Katrina Guillou at Quinley Quezada sa opensa habang sina bise-kapitana Hali Long, Dominique Randle at goalkeeper Olivia McDaniel ang bahala sa depensa.
Markado para sa Vietnam sina kapitana Huynh Nhu, bise-kapitana Nguyen Thi Tuyet Dung, Pham Hai Yen at Ngan Thi Van Su na may pinagsamang 15 goal sa torneo. Ang mga magwawagi ay tutuloy sa winner-take-all finals sa Hulyo 17. Maglalaro para sa 3rd place ang mga mabibigo.





Comments