Venues ng Palarong Pambansa sa Ilocos Norte, nakahanda na
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports News | May 22, 2025
Photo: Marcos Stadium - Ilocos Norte - Palarong Pambansa 2025
Dalawang siyudad at walong munisipalidad sa Ilocos Norte, kabilang ang main hub na Laoag City ang magiging venue ng 24 na pampalakasan para pagdausan ng mga laro sa 2025 edisyon ng Palarong Pambansa na may temang “Nagkakaisang Kapuluan.”
Sa Laoag City naroon ang 12,000-capacity track and field stadium na Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium (FEMMS) na paggaganapan ng Athletics, Football (Secondary), Lawn Tennis (Secondary), at Swimming event.
Idaraos din sa Laoag City ang 3x3 Basketball, Basketball (secondary Boys) sa Ilocos Norte Centennial Arena, Basketball (secondary girls) sa Laoag City Amphitheater; Football (elementary) sa Northwestern University-Football Field at iba pa.
Ang kauna-unahang mga Olympic gold medals ng bansa na pampalakasan na Weightlifting ay gaganapin sa Laoag Central Elementary School, habang ang Men and Women Artistic Gymnastics ay masusulyapan sa Ilocos Norte National High School Gymnasium.
Gaganapin naman sa Batac City ang Billiards (Mariano Marcos State University-Student Center); Boxing (Imelda Cultural and Civic Center); Chess (Mariano Marcos State University-Library); Football Secondary (Mariano Marcos State University-Football Field); Lawn Tennis Secondary (Mariano Marcos State University-Tennis Court); Sepak Takraw (Mariano Marcos State University-Covered Court); Taekwondo (Mariano Marcos State University-Teatro Ilocandia); at Volleyball Secondary (Mariano Marcos State University-Gymnasium).
Magtatagisan naman ang mga atleta sa munisipalidad ng San Nicolas sa mga larong Archery (Venvi Realty Corp. Open Field -East of Robinsons); Arnis (Marcos Cultural and Sports Center); Dancesport (Robinsons Mall Annex -Activity Area A); Kickboxing (Robinsons Mall -Alfresco Area); at Pencak Silat (Robinsons Mall Annex -Activity Area B).
Tinatayang aabot sa 1,777 na medalya ang maipamimigay sa lahat ng regular sports, maging sa demo sports at para-games, kung saan kaantabay nito ang pagdiriwang ng Filipino heritage na kinabibilangan ng mga Palaro ng Lahi – mga tradisyunal na larong Pinoy na pinapalaganap ang pangangalaga ng kultura sa mga kabataan.
Kommentare