Vaccine wastage, dapat nang talupan!
- BULGAR
- Aug 9, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | August 9, 2022
Suportado ng mga doktor ang isinusulong na imbestigasyon sa pamunuan ng Department of Health (DOH) dahil sa na-expire na COVID-19 vaccines.
Naninindigan ang mga doktor na mahalagang magkaroon ng transparency at accountability ang anumang tanggapan ng pamahalaan. Importante rin umano ang imbestigasyon para masilip ang mga problema sa bakunahan at malaman ang mga hakbang para solusyunan ito.
Dahil umano sa insidente, posibleng hindi na muling makatanggap ng donasyon ang Pilipinas mula sa COVAX facility kung mapapatunayan ang kapabayaan sa mga nasayang na bakuna.
Matatandaang inihayag ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na na-expire ang P5.1 bilyong halaga ng COVID-19 vaccines na nasa pribadong sektor dahil huli na umano nang inilabas ng DOH ang guidelines para ipamahagi ang second booster.
Samantala, nagpahayag naman ang DOH na handa ang kagawaran na humarap sa imbestigasyon.
Kung handa namang humarap sa imbestigasyon ang kagawaran, gawin na upang matukoy ang dahilan ng pagkasayang ng bakuna at anu-ano ang mga dapat gawin upang hindi na ito maulit.
Bagama’t galing sa pribadong sektor ang nasayang na pondo, hindi biro ang halagang ito.
Kung maisasagawa ang imbestigasyon at mapapatunayang may kapabayaan, panagutin ang dapat managot.
Sa gitna ng panahon ng krisis-pangkalusugan, dapat na maging maingat tayo sa paggamit ng pondo, lalo na kung inutang lamang natin ito. Kumbaga, dapat matiyak na napapakinabangan ang pera at hindi nasasayang.
Pakiusap lang sa mga kinauukulan, maging patas sa imbestigasyon at ihayag sa publiko ang mga dapat malaman, at higit sa lahat, tiyaking mapaparusahan ang mapapatunayang nagpabaya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments