Utol na si PBBM, pinababa sa puwesto… IMELDA: IMEE, ALAM NIYA ANG KANYANG GINAGAWA
- BULGAR

- 3 minutes ago
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 10, 2025
Photo: File / Piolo Pascual sa Manila's Finest
Naging emosyonal ang Jukebox Queen at PCSO Director na si Ms. Imelda Papin sa grand launching ng kanyang bagong song titled Pilipino Tayo na ginanap sa Tanghalang Pasigueño sa Pasig City nu’ng Lunes, Dec. 8 nang hapon.
Sobrang na-touched ang singer-public servant nang makitang punumpuno ang venue ng kanyang mga supporters na naghihintay marinig ang kanyang bagong song na composed by Mon del Rosario.
Hindi napigilang maiyak na sabi ni Tita Mel (palayaw ni Ms. Imelda), “Fifty years na po ako sa showbiz. Ito po ang regalo ko sa Diyos, sa bayan at sa mga Pilipino.”
Bukod sa kanyang mga supporters, dumating din ang anak ni Tita Mel na si Maffi, mga kapatid at ilang artistang kaibigan niya para sumuporta sa grand launching ng Pilipino Tayo.
After ng launching, nakapanayam namin si Tita Mel kasama ng ibang media people.
Siyempre, bilang Pilipino, ikinalulungkot din daw niya ang mga problemang kinakaharap ng bayan ngayon, lalo na sa isyu ng korupsiyon.
“Kung meron silang nagawa na ‘di maayos, siyempre, haharapin nila ‘yun but it should not stop us to move forward, ‘di tayo dapat apektado bilang Pilipino,” aniya.
Kaya nga raw inilabas nila ang kantang Pilipino Tayo, para sa kabila ng kaguluhan at mga kahihiyang natatatak sa atin, maging inspirasyon pa rin ito na matatapos din ang lahat at darating ang oras na maipagsisigawan pa rin natin sa buong mundo na Pilipino tayo at dapat ikarangal ang pagiging Pilipino.
Alam daw niyang mahirap ang pinagdaraanan ngayon ni Pangulong Bongbong Marcos kaya ipinagdarasal na lang niyang malagpasan nito ang sitwasyon at nanawagang suportahan ng mga Pilipino ang mga desisyon nito.
Very vocal naman si Tita Mel na Marcos loyalist siya ever since, kaya nahingi namin ang reaksiyon niya sa nakaraang panawagan ni Sen. Imee Marcos na bumaba na ang kapatid na Pangulong Bongbong Marcos na inakusahan niyang ‘adik’.
Sagot dito ni Imelda Papin, “She knows what she’s doing. Pero sana, ang laging prayer ko nga, lalo na pamilya, dapat magkaisa talaga. ‘Yun ang natutunan ko sa the late Pres. Marcos Sr., ang pamilya dapat ay nagkakaisa.”
Anyway, makabuluhan ang lyrics ng Pilipino Tayo at lalong naging tagos sa puso nang kantahin ito ni Imelda Papin.
Kaya tama ang kanyang sinabi, regalo niya ito sa bawat Pilipino na patuloy na sumusuporta at naniniwala sa kanya sa 50 yrs. niya sa musika at paglilingkod-bayan.
Congrats, Tita Mel!
Will, naunahan na…
BIANCA, SHOCKED NANG HAPLUSIN SA LEGS NI DUSTIN
KILIG overload ang hatid ng trailer ng MMFF 2025 entry ng Star Cinema, GMA Pictures at Regal Entertainment na Love You So Bad na pinagbibidahan ng love triangle nina Will Ashley, Bianca de Vera at Dustin Yu.
Trailer pa lang ang ipinakita sa ginanap na mediacon ng movie sa Dolphy Theater last Monday night, grabe na ang hiyawan ng mga fans sa tambalang Dustin-Bianca at Will-Bianca.
Wala ka naman kasi talagang itulak-kabigin sa dalawang aktor at ang galing ni Direk Mae Cruz-Alviar na umaming nagta-tally sa shooting para matiyak lang na equal talaga ang mga eksena ng DustBia at WillCa.
At pati sa mga sagot nina Will at Dustin kapag natatanong tungkol kay Bianca, walang gustong magpatalbog kaya for sure, hirap na hirap ang karakter ni Bianca sa Love You So Bad kung sino talaga ang pipiliin niya sa dalawa.
In real life, ani Bianca, wala namang pressure mula sa fans kung sino talaga ang pipiliin niya dahil for now, career daw talaga ang priority niya at hindi magka-boyfriend.
Sobrang thankful nga siya sa opportunity na ibinigay ng ABS-CBN at GMA-7 at Regal Entertainment na magbida na sa MMFF movie na pambagets ang tema, kaya tiyak na isa ito sa mga mangunguna sa festival this year.
Nakikita namin si Anne Curtis sa cute na kaartehan ni Bianca (in fairness, ‘di nakakainis, ‘kaaliw lang!) at nagtilian ang mga fans sa mediacon nang mag-dialogue ito ng “Ay, bakit may pahaplos?” nang mahawakan sa legs ni Dustin Yu.
Kapag nag-box office hit ang Love You So Bad, hindi malayong may mga kasunod pang projects ang love triangle na ito.
Showing na ang Love You So Bad sa Dec. 25, 2025.














Comments