Utol, binilhan pa ng laptop… ANAK NI OGIE, NAG-STOP SA PAG-AARAL, NAG-VLOG, MAY SARILING PERA NA

Updated: Jan 9, 2021
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | January 3, 2021

Nang huminto sa pag-aaral ang panganay na anak ni Ogie Diaz na si Erin Diaz para magpahinga ay inengganyo niyang mag-vlog ito para may magawa, at the same time, may pagkakitaan habang nagpapahinga sa eskuwela.
Sampung buwan pa lang ang YT channel ni Erin na may 52 uploaded videos — na ang pinakamataas niyang views and still counting ay nasa 2.2 M — ay umabot na ito sa 402K subscribers, at ayon sa tatay niyang si Ogie ay malaki na ang kinikita ng anak.
“Inengganyo ko siyang mag-vlog para hindi masayang ang oras niya, hayun, nakita niya ang gusto niya at nag-i-enjoy siya sa pagba-vlog niya at siya mismo ang nag-iisip ng content,” kuwento ng proud daddy ni Erin.
Tsinek namin ang uploaded videos ng dalaga at karamihan ay ang pagdedebate nilang mag-ama ang mapapanood.
Disciplinarian si Ogie sa mga anak at kahit kayang-kaya niyang bilhin ang mga gamit na wala sila ay hindi nito ginagawa.
"Gusto kong matuto silang mag-ipon from their baon at iyon ang ipambili nila.
“Tulad ngayon, pandemic, wala namang school, puro online, every week, may baon silang tig-P1K, inihuhulog ko ‘yun sa G-cash nila, after a month, may P4K sila. So, kung ano'ng gusto nilang bilhin sa online, galing sa baon nila ang pambayad nila, hindi sa akin.
“Tulad ni Erin, malaki na ang kinikita, sabi ko, kakaltasan ko siya ng 10% sa kita niya sa YT para pambayad ng ilaw. Dapat kasi ganu’n, bigyan mo sila ng responsibilidad para matuto. Pumayag naman,” kuwento ng manager nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Umaabot daw sa P17-18K a month ang kuryente nila at mababa na iyon dahil malaking tulong ang solar panel na nakakabit sa bahay nila.
Naikuwento rin ni Ogie na ang isa sa mga anak niya ay nasira ang laptop na ginagamit nito sa online class.
“Nabasag ni Cory ang lcd ng laptop niya, namali yata ng pasok sa bag. Sabi ko, 'Since wala ka pang pampagawa ng lcd, gamitin mo ang cellphone mo.'
“Naawa ako siyempre, pero hinayaan ko para magtanda. Nakikita ko sa cctv, cellphone gamit niya sa online class, tapos 'yung mga kapatid niya, laptop,” katwiran ni Ogie.
At dahil nakita ng panganay ni Ogie na si Erin na nahihirapan ang kapatid ay naawa ito at binilhan daw niya ito ng laptop.
Idinokumento naman ni Erin ang pagbili ng laptop para sa kapatid at nang dumating sa bahay ay pinrank pa ang kapatid kasama ang ama bago ibinigay ang bagong gadget.
Napaiyak si Cory dahil inakalang pagagalitan siya ng ama, pero niyakap siya at sinabing, “Hindi nagagalit si daddy hangga’t nagsasabi nang totoo.”
At ang pangalawang prank, ang lumang laptop ang nasa box kaya nadismaya si Cory pero kaagad niyakap ni Ogie ang anak at sabay sabing, "It’s a prank, anak."
Kaya nang iabot na ang bagong bili ay naiyak ang nakababatang kapatid ni Erin at sabay yakap sa kanya para magpasalamat.





Comments