Utang nang utang, bayan ang lumulubog!

by Info @Editorial | November 2, 2026

P19.66 TRILYON! Hindi ito basta numero kundi napakalaking obligasyong pasan ng Pilipinas na kailangang bayaran kasama ang interes.
Habang lumalaki ang utang ng bansa, marami pa ring Pilipino ang naghihirap, kulang ang mga silid-aralan, kapos ang mga ospital at patuloy ang pagtaas ng gastusin sa araw-araw.
Hindi masama ang pangungutang kung napupunta ito sa mga proyektong may tunay na pakinabang. Ngunit kung patuloy ang paghiram habang may mga alegasyon ng korupsiyon at pagwaldas ng pondo, may karapatan ang taumbayang magtanong: Saan napupunta ang pera?
Dapat tiyakin ng pamahalaan na bawat pisong inuutang ay nagagamit nang tama.
Hindi sapat ang mga pangako at magagandang ulat kung hindi naman ramdam ng ordinaryong mamamayan ang pag-unlad.
Hindi rin dapat kalimutan na ang mga susunod na henerasyon ay maaaring maapektuhan ng mabigat na obligasyong ito.
Tama na ang walang malinaw na pananagutang pangungutang! Kailangang higpitan ang paggastos, labanan ang korupsiyon at unahin ang kapakanan ng mamamayan.
Dahil sa huli, hindi ang mga opisyal na nangangako ang pangunahing sasalo sa bigat ng utang, kundi ang sambayanang Pilipino na patuloy na nagbabayad ng buwis.



Comments