Brgy. officials na sangkot din sa ghost projects, sampulan

by Info @Editorial | November 1, 2026

Hindi lamang sa malalaking ahensiya ng gobyerno maaaring mangyari ang katiwalian. Maging sa pinakamaliit na yunit ng pamahalaan, ang barangay, maaari ring mawala ang pondong dapat sana ay napapakinabangan ng mamamayan.
Ito ang usaping kinakaharap ng isang barangay chairman at treasurer sa Quezon City na inireklamo kaugnay ng umano'y ghost projects.
Iniutos ng Office of the Ombudsman ang kanilang preventive suspension nang walang sahod sa loob ng hanggang anim na buwan dahil sa mga alegasyon ng iregularidad sa paggamit ng pondo.
Bagama't hindi pa ito nangangahulugan ng pagkakasala, seryosong usapin ang paggamit ng pera ng bayan para sa mga proyektong maaaring sa papel lamang umiiral.
Ang pondong dapat sana ay para sa mga kalsada, kanal, ilaw at iba pang pangunahing serbisyo ay hindi maaaring magmistulang multo.
Kaya mahalagang hindi lamang resibo at liquidation report ang sinusuri. Dapat ding makita at mapatunayan na talagang naisagawa ang mga proyektong pinaglaanan ng pondo.
Kung mapatutunayang may katiwalian, dapat managot ang mga sangkot at maibalik ang pondong nawala.
Ang pondo ng barangay ay hindi personal na alkansiya ng mga opisyal. Bawat pisong ginagastos ay dapat may katumbas na tunay na serbisyo.




Comments